Batang may namamagang dila na ipinagamot ng GMA Kapuso Foundation, kailangan pa rin ng tulong | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kailangan pa rin ng tulong ng isang batang ipinagamot ng GMA Kapuso Foundation dahil sa namamaga niyang dila.  

Batang may namamagang dila na ipinagamot ng GMA Kapuso Foundation, kailangan pa rin ng tulong

By MARAH RUIZ

March noong nakaraang taon nang ipinakonsulta ng GMA Kapuso Foundation sa espesyalista ang batang si Gadiel Caagusan dahil sa namamaga niyang dila na halos sinlaki na ng kanyang mukha.

"'Pag hemangioma lang, blood vessels lang, puro blood vessels, puro dugo. Pero sa kanya, nakita natin mukhang hindi lang dugo, may mga lymphatics. Nag-combine na arterior at saka hemangioma at saka lymphangioma, nagsama," paliwanag ni Dr. Gil Vicente, isang ENT (ears, nose and throat) specialist, tungkol sa kundisyon ni Gadiel.

Agad siyang sumailalim sa gamutan at kasalukyang nasa ika-walong session ng sclerotherapy.

"Lumiit na ng 50% mula sa baseline. Mapula na rin po ang dila niya at wala nang dugo-dugong ulcers. We are hoping na tuloy tuloy na ang pagliit ng dila niya hanggang bumalik po ito sa normal na size," bahagi ni Dr. Marvin tamaña, isang interventional radiologist sa Philippine Heart Center tungkol sa progress ni Gadiel.

Kaya na ngayong ipasok ni Gadiel ang dila sa kanyang bibig dahil malaki na ang nabawas sa sukat nito. Normal na rin ang kulay at wala na itong mga sugat.

"Parang nabunutan ako ng tinik. Masarap sa pakiramdan nakikita ko 'yung bata nakapaglaro na, unlike before na laging nakatago sa bahay," pahayag ni Melvin Bonete, tatay ni Gadiel.

Nakakapasok na rin sa paaralan ang bata at masigla na ito at hindi na mahiyan.

"Masaya na po ako na nakabalik sa school kasi mas nakakapag-aral po nang mabuti dito sa school," lahad ni Gadiel.

 

 

 



Sa ngayon, kailangan pa rin niya ng tulong para sa dalawa pang nalalabing sessions ng sclerotherapy at injectables na gamot.

"Maraming salamat po sa GMA Kapuso Foundation. Sana po tuloy tuloy na ang aking paggaling," mensahe ni Gadiel.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng Philippine Heart Center, Dr. Marvin Tamaña, Dr. John Michael Pineda, CDRRMO-Mandaluyong, JC Cares Foundation, at B. Braun Medical Supplies Inc.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Gadiel at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Pwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.