EXCLUSIVES

Abby Clutario
AltG Records

Abby Clutario, may nakahanda ng bagong kanta matapos ang debut single na 'Tadhana'

By Aimee Anoc
Published On: February 3, 2023, 7:20 PM

Nagbigay ng clue si Abby Clutario sa bagong kantang ilalabas niya matapos ang "Tadhana." 

Mayroon nang bagong kantang nakahanda ang multitalented singer-songwriter na si Abby Clutario matapos ang successful release ng debut single niyang "Tadhana." 

Noong January 20, inilabas na ng AltG Records ang rendisyon ni Abby sa sikat na awitin ng Up Dharma Down na "Tadhana," kung saan agad itong pumanglima sa iTunes Philippines at napasama sa Fresh Finds Playlist ng Spotify Philippines. 

Sa naganap na Kapuso Brigade, ibinahagi ni Abby na mayroon na siyang bagong kantang nakahandang ilabas kung saan maririnig din rito ang electric musical instrument na Chapman Stick, na una nang narinig ng kanyang mga tagahanga sa "Tadhana."

"Oo syempre, mayroon pa kaming hinanda ng AltG Records para sa inyong lahat. Actually 'yung susunod yata namin na ire-release ay nakuha 'yun sa isa sa pangalan ng inyong battalion, 'di ba may clue na.

"At yes, maririnig n'yo pa rin du'n ang Chapman Stick at saka 'yung susunod na 'yun mayroon pang ibang mga instrumento kayong maririnig," sabi ni Abby.

Sa interview ng GMANetwork.com, hindi pinaglapas ni Abby ang pagkakataon na makapagpasalamat sa lahat ng sumuporta sa "Tadhana."  

"Actually, nakaka-overwhelm dahil never yata nangyari sa akin 'yun kapag nagre-release ako ng ibang single. Nakakatuwa at marami na rin ang nakapag-abang at nakapagsuporta. Hindi pa man din lumalabas sa iTunes ay marami na ang nag-preorder kaya naman umabot talaga s'ya sa top 5. Laking pasasalamat ko roon sa lahat ng mga sumuporta at nakapag-download ng aking latest single," pasasalamat ni Abby.

Patuloy na mapapakinggan ang "Tadhana" sa iTunes, Apple Music, Spotify, at sa iba pang digital music streaming platforms worldwide. 

 

 

MAS KILALANIN SI ABBY CLUTARIO SA GALLERY NA ITO.
 

CONTENT YOU MIGHT LIKE

-->