ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Off-duty na pulis, arestado matapos magpaputok ng baril na ikinatakot ng kaniyang mga kapitbahay sa Marilao, Bulacan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang pulis na hindi naka-duty ang nahuli-cam na nagpaputok ng baril habang naglalakad sa Barangay Lambakin, Marilao sa Bulacan.

Sa ulat ng GTV News “Balitanghali” nitong Lunes, sinabing wala namang tinamaan ng bala sa ginawa ng pulis pero nagdulot ito ng takot sa mga residente sa lugar.

Matapos na i-post online ang video ng insidente, natukoy ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng lalaking nagpaputok ng baril at kanilang inaresto.

Napag-alaman na pulis na nakadestino sa Valenzuela City ang suspek.

Nakakulong na ang pulis sa Marilao Police Station na mahaharap sa reklamong illegal discharge of firearms.

May hiwalay din siyang kasong administratibo na kakaharapin dahil sa kaniyang ginawa.

Ayon sa National Police Commission (NAPOLCOM), suspensyon, demotion o kaya naman ay pagkasibak sa trabaho ang maaaring maging parusa sa pulis.

Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng pahayag kaugnay sa kaniyang ginawa. – FRJ, GMA News

Tags: hulicam