Babae, patay matapos mabangga ng kotse ang kanyang sinasakyang motor; driver ng kotse, mister pala niya
Nasawi ang isang babae matapos na mabangga ng kaniyang mister na naka-kotse ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Barangay Kauswagan sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental. Ang rider naman ng motorsiklo na ginagamit na habal-habal, malubhang nasugatan.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing mapagkakamalan na ordinaryong aksidente lang ang nangyari sa kotse ng suspek na bumangga sa isang tindahan, isa pang kotse, at isang motorsiklo na pumailalim.
Ayon sa Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), nasawi ang babaeng pasahero sa motorsiklo, habang malubhang nasugatan ang rider nito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na mister ng nasawing babae ang driver ng kotse na nakabangga sa motorsiklo.
Other Stories
Ayon kay Police Major Emilita Simon, COCPO spokesperson, inihayag ng mga kamag-anak ng biktima na madalas na umanong nag-aaway ang mag-asawa at hindi na masyadong maganda ang kanilang pagsasama.
Sa kabila nito, patuloy na nakatira sa isang bahay ang dalawa.
Naaresto naman ng mga pulis na rumesponde sa insidente ang suspek.
Walang pahayag ang suspek na maaaring maharap sa kasong parricide and serious physical injury. – FRJ/KG, GMA News