ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Batang honor student, patay nang mabangga ng SUV habang nagbibisikleta sa Cebu; angkas niya, sugatan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nasawi ang isang 10-taong-gulang na lalaki, habang sugatan ang isa pa, matapos silang mabangga ng isang sports utility vehicle (SUV) habang nagbibisikleta sa Barili, Cebu. Ang bisikleta ng biktima, regalo sa kaniya ng mga magulang dahil sa pagiging honor student niya.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Candugay nitong Martes ng tanghali.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, mabilis umano ang takbo ng SUV, na pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Barili, at nag-overtake sa isang motorsiklo kaya nabangga nito ang bisikleta na sinasakyan ng dalawang bata.

Nakaladkad pa ng SUV ng ilang metro ang mga biktima at nagulungan.

Sa tindi ng pinsalang tinamo, binawian ng buhay ang 10-taong-gulang na biktima, habang sugatan at nagpapagaling sa ospital ang angkas niyang walong-taong-gulang.

Designated driver naman ng lokal na pamahalaan ang driver ng SUV na 37-anyos.

Sinabi umano nito sa pulisya na galing siya sa barangay hall ng Candugay at papunta na sa munisipyo nang mangyari ang insidente. Pero itinanggi ng kapitan ng barangay na galing sa kanilang tanggapan ang driver.

Ayon sa magulang ng nasawi, iniregalo nila sa anak ang bisikleta dahil hiniling ito ng bata sa pagiging honor student niya nitong nakaraang taon.

Nais ng mga magulang ng bata, dapat pagbayaran ng driver ang kaniyang ginawa.

Nakausap na rin umano ng mga magulang ng bata ang alkalde ng Barili, at nangakong tutulungan sa gastusin ang mga biktima.

Nangako rin umano ang alkalde na hindi ito makikialam sa kaso.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at serious physical injury, at damage to property ang driver.—FRJ, GMA News

Tags: accident