Tumaya ng P25 sa Mega Lotto 6/45 ng PCSO, pumaldo ng P20 milyon
Nagbunga ang pagtitiyaga ng isang babae sa Cebu sa pagtaya sa lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos siyang tumama at manalo ng P20,899,725.81 jackpot prize sa Mega Lotto 6/45 draw noong July 24, 2026.
Sa inilabas na pahayag ng PCSO kamakailan, sinabing kinuha na ng lotto winner ang kaniyang premyo sa punong tanggapan ng ahensiya sa Mandaluyong kasama ang mister nito.
Isang kombinasyon lang ng mga numero ang tinayaan ng lucky winner na pinasama-samang kaarawan ng kaniyang mga mahal sa buhay na 14-20-19-31-02-11. Ang halaga ng kaniyang tinayaan--P25.00.
Tinatayaan umano ng ginang ang naturang kombinasyon mula pa noong nag-aaral siya sa kolehiyo.
Pero sa halip na gastusin sa luho, gagamitin umano ng lucky winner ang bahagi ng premyo para magtayo ng negosyo para sa magandang kinabukasan ng kaniyang pamilya, ayon sa pahayag. – FRJ, GMA News