'Ulan' sa loob ng LRT-1, hindi gawa ng kalikasan kundi dulot ng baradong aircon
Perwisyo ang naranasan ng ilang pasahero matapos na mistulang “umulan” sa loob ng isang bagon ng LRT-1 noong Lunes.
Sa video ni YouScooper Sam D. Peñaflor, na iniulat sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, makikitang napatayo sa upuan ang ilang pasahero dulot ng malakas na pagtulo ng tubig mula sa kisame ng bagon.
Ayon kay Sam, nanggaling siya sa Ninoy Aquino Avenue Station patungong FPJ Station, nang mapatakan ang kaniyang ulo pagsapit ng tren sa bahagi ng Monumento.
Lalo siyang nagtaka dahil wala namang ulan sa labas ng mga sandaling iyon.
Other Stories
Kalaunan, kumalat na ang tubig hanggang sa gitna at sahig ng bagon.
Sinabi ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na umapaw ang tubig mula sa air conditioner nang mabarahan ang drainage system ng tren.
Inisyuhan na ng citation ticket ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) kaugnay sa maintenance nito.
Hindi pa nagbibigay ng bagong pahayag ang LRMC tungkol sa insidente na ginawan na ng paraan ang naging problema. – Jamil Santos/FRJ, GMA News