Dayuhang negosyante, patay matapos barilin ng isang lalaki sa Caloocan
Patay ang isang dayuhan negosyante matapos siyang barilin sa Barangay 178, Caloocan nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, makikita sa video footage ang biktima na paalis sakay ng motorsiklo. Pero ilang saglit pa, binaril na siya ng lalaking nasa kaniyang likuran.
Mabilis na tumakas ang salarin matapos gawin ang krimen. Ang biktima, dead on the spot.
Napag-alaman na may-ari ng isang stall ng sigarilyo sa isang mall sa Caloocan ang biktimang dayuhan.
“Maraming tao, ngayon ang ginawa namin kinordunan namin ‘yung area. Merong puwesto sa mall ‘yung tao na iyon,” sabi ni Nilo Miscala, tanod ng Barangay 178 sa Caloocan.
Isa sa mga tinitingnang anggulo ng pulisya na motibo sa krimen ang negosyo ng biktima.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad at pagtugis sa salarin.—Jamil Santos/FRJ, GMA News