ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Kawatan na dumaan sa kisame para nakawan ang isang salon sa QC, arestado


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Arestado ang isang lalaki matapos siyang mahagip sa CCTV camera na dumadaan sa kisame ng isang salon para makapagnakaw sa Barangay Kamuning, Quezon City noong Lunes ng madaling araw.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood na biglang nasira at bumagsak ang kisame sa salon na sarado noon.

Ilang saglip pa, may lumitaw na paa ng tao at naglawit ng tela na kinapitan niya para bumaba sa loob ng salon.

Sinabi ng pulisya na hindi na nakunan ang mga sumunod na eksena matapos patayin ng lalaki ang circuit breaker.

“Kasi ‘yung CCTV ay naka-connect doon sa cellphone and nagwa-warning yata roon sa part ng operations manager. Na-discover niya na may pumapasok. Pero prior that, nu’ng nakita niya 'yung CCTV, du’n sa labas, nakita niya 'yung tao na parang papasok,” sabi ni Lieutenant Colonel Aljun Belista, Commander ng Kamuning Police Station.

Sa pagtugon ng pulisya at barangay, nadakip nila ang 31-anyos na suspek na naaktuhang nagtatago pa sa kisame.

Nabawi ang kaniya ang P5,000 na kita ng salon.

Makikita sa loob ng salon ang pinsala sa kisame kung saan dumaan ang suspek. Naiwan pa ang tela na kaniyang ginamit.

“Bale dumaan ho siya sa second floor. Kasi ‘yung katabi ng salon ay bakanteng bahay. So ‘yung second floor din ng salon ay bakante rin. So, dire-deretso na siya doon. So saka niya sinira 'yung kisame,” sabi ni Belista.

Umamin sa nagawang krimen ang suspek, na residente sa lugar, at sinampahan siya ng reklamong robbery.

“Wala lang po akong pera. Wala po akong pangkain… Malapit lang po kasi. Tapos, nagutom ako. Wala akong panggastos. Sana po, patawarin po ako. Kasi, nagutom lang ako eh,” sabi ng suspek.

Batay sa tala ng pulisya, tatlong beses nang nabilanggo ang suspek dahil sa pagsusugal. – Jamil Santos/FRJ, GMA News

Tags: hulicam