ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Guilty verdict ng Sandiganbayan vs Imelda Marcos sa kasong graft, binaliktad ng SC


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Binaligtad ng Korte Suprema ang naunang hatol ng Sandiganbayan na nagkasala si dating First Lady Imelda Marcos sa kasong graft kaugnay ng umano’y pinansyal niyang interes sa pitong Swiss foundation.

Sa desisyon ng SC na may petsang Hunyo 10, 2026, na isinapubliko nitong Miyerkules, Setyembre 9, binaliktad ng First Division ng SC ang naunang desisyon ng Sandiganbayan noong Nobyembre 2018, na nagkasala si Gng. Marcos sa pitong bilang ng kasong graft at pinatawan ng parusang pagkakakulong ng tig-anim hanggang 11 taon para sa bawat bilang ng kaso.

Sa kaso, inakusahan si Marcos ng pinansyal na interes at nakilahok umano sa pamamahala ng ilang non-government organization sa Switzerland mula 1978 hanggang 1984, noong siya ang nakaupong Minister of Human Settlements, Metro Manila governor, at pansamantalang miyembro ng Batasang Pambansa.

Sinabi ng Sandiganbayan na ang pitong foundation—Maler Foundation, Trinidad Foundation, Rayby Foundation, Palmy Foundation, Azio-Verzo-Vibur Foundation, Rosalys-Aguamina Foundation, at Avertina-Xandy/WintropCharis/ScolariNalamo/Spinus Foundation—ay itinatag para pakinabangan umano ng pamilya Marcos.

Sinasabing ang naturang mga foundation ay itinayo "primarily for the entrepreneurial activity of opening bank accounts and deposits, transferring funds, earning interests and even profit from investment, for the private benefit of the Marcos family as beneficiaries."

Ipinagbabawal sa Section 3(h) ng Republic Act No. 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, sa mga public official na magkaroon ng direkta o hindi direktang pinansyal na interes sa anumang negosyo, kontrata, o transaksiyon kung saan siya nakikialam bilang bahagi ng kaniyang opisyal na tungkulin, o kung saan ipinagbabawal ng batas ang pagkakaroon niya ng naturang interes.

Sa pagtugon sa apela ni Marcos, sinabi ng SC na hindi maaaring tanggapin bilang ebidensiya ang testimonial at documentary evidence ng prosekusyon at wala rin itong sapat na bigat upang mapatunayan ang kaso.

"In sum, the relevant Swiss documents were not properly authenticated. The prosecution was not able to present any credible witness who could have attested to the genuineness and due execution of the documents," saad ng SC sa pamamagitan ni Associate Justice Rodil Zalameda.

Sinabi sa desisyon na ang pagbubukas ng mga bank account, paglilipat ng pondo, at pagkita ng interes o tubo mula sa investment, “does not by itself make an entity a commercial enterprise.”

Ayon sa SC, ang mga naturang gawain ay hindi naiiba sa pagkakaroon ng deposito sa bangko o investment portfolio.

“Bank depositors lend banks their money in exchange for the payment of interest,” paliwanag ng SC, na binigyang-diin na hindi nito awtomatikong ginagawang mga operator ng negosyo ang mga depositor.

Gayundin, sinabi ng Kataas-taasang Korte na ang paglalagay ng pera sa mga investment at pagkita ng kita mula rito ay hindi nangangahulugang nagpapatakbo na ng negosyo, dahil maaari lamang itong mga aktibidad ng isang “passive investor.”

“Absent a showing that the subject foundations are regularly offering goods or services for the main purpose of earning profit, they cannot be considered businesses,” saad sa desisyon ng SC.

"All told, the prosecution failed to establish that the subject foundations are businesses as the term is ordinarily understood. Any financial or pecuniary interest in the subject foundations is not covered by Section 3(h) of Republic Act No. 3019 and Article IX, Section 7 (then Section 8) of the 1973 Constitution. Doubts on the coverage of the term 'business' should be resolved against the State and in favor of the accused-appellant," dagdag nito. — FRJ, GMA News