'Major casualties,' inaasahan sa dambuhalang flash flood na nangyari sa Nepal
Nahuli-cam ang nakakakilabot na flash flood na nangyari sa Nepal na may kasamang putik na nagpalubog sa malaking lugar at nakaapekto sa Syapru Besi at Timure sa mabundok na distrito ng Rasuwa. Sa tindi ng pinsala, inaasahan ng mga awtoridad ang “major casualties.”
Sa ngayon, walong tao ang iniulat na nasawi at may mga gusali, kalsada, tulay, at power projects ang napinsala sa mga lugar na malapit sa Tibet.
Sa kabilang panig ng hangganan, iniulat ng Tibet na may mga nawawala sa kalapit na Gyirong County na tinamaan ng mudslide ang isang tawiran na nasa pagitan ng China at Nepal, ayon sa Xinhua official news agency.
Sa sobrang taas ng tubig, hindi makapag-landing ang mga helicopter sa mga apektadong lugar ng Syapru Besi at Timure, na may populasyong humigit-kumulang 50,000, ayon sa mga opisyal.
"There could be heavy casualties or loss of property," sabi ng district administrator na si Narendra Pariyar sa Reuters. "But I cannot say for sure now."
Sa mga video na naglabasan sa social media na iniulat ng iba’t ibang news agency, makikita ang pagtakbuhan ng mga tao pero nilamon sila ng rumagasang tubig.
Hinimok ni Pariyar ang mga nakatira sa pampang ng Bhote Koshi River na lumikas patungo sa mas mataas na lugar, matapos makatanggap ng mga ulat na tinangay ng baha ang mga kalapit na nayon at mga lugar na may mga proyekto sa imprastraktura.
"It all came suddenly," ayon sa pahayag ng isang saksi mula sa lugar na iniulat ng Onlinekhabar portal. "We heard a loud sound, like a volcano erupting. People started to scream and ran away."
Gayunman, hindi makakapag-landing ang mga rescue helicopter ng Nepal sa mga apektadong lugar hangga’t hindi humuhupa ang tubig, ayon kay Army Spokesperson Raja Ram Basnet.
Hindi pa malinaw ang sanhi ng flashflood. Subalit noong nakaraang taon, may nangyari ding matinding flash flood sa kaparehong ilog na natukoy kalaunan na dulot ng pag-apaw o pag-drain ng isang lawa na nabuo mula sa glacier.
Ayon sa Xinhua, tumama ang mudslide mula sa panig ng Nepal sa Gyirong Port sa Tibet, Naputol nito ang mga kalsada, komunikasyon at suplay ng kuryente sa rehiyon ng Shigatse malapit sa hangganan ng Nepal. Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye ang ahensiya.
Iniutos ni Chinese President Xi Jinping ang “all out” search effort sa mga nawawala, gayundin ang mas mahigpit na monitoring at mga early warning system upang maiwasan ang panibagong sakuna.
Ayon kay Prime Minister Balendra Shah, kasama sa rescue and relief teams ang pulisya at militar.
"Instructions have been given ... to move the people living in the lower areas to safer places," anang opisyal. "People along the river are advised to exercise extra caution and remain alert."
Noong nakaraang taon, siyam ang nasawi at 24 ang nawala sa nangyaring flashflood sa Bhote Koshi. Kasamang nawasak nito ang “Friendship Bridge” na nag-uugnay sa Nepal at China na nakaapekto sa kalakalan at transportasyon ng ilang buwan.
Ayon sa isang regional climate monitor, ang pagbaha noong nakaraang taon ay dulot ng pag-drain ng isang supraglacial lake sa Tibet. — ulat mula sa Reuters/FRJ, GMA News