Teaser trailer ng GMA Pictures' film na 'Amir,' umani ng papuri sa netizens!
October 13 2026
Umaapaw sa pagkamangha at pananabik ang maraming netizens matapos ilabas ng GMA Pictures sa kanilang social media ang opisyal na teaser trailer ng pelikulang 'Amir,' na kabilang sa mga inaabangang opisyal na kalahok sa 2026 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Noong Lunes, Oktubre 12, opisyal na ipinasilip ng Kapuso film studio at Brightburn Entertainment ang kapanapanabik na takbo ng kuwento ng pelikulang nakatakdang ipalabas sa darating na Araw ng Pasko.
Sa pamamagitan ng maikling pasilip na ito, ipinakilala ang mahusay na child star na si Argus Aspiras bilang si Amir, isang batang may pambihirang kakayahang makakita ng mga misteryoso at kakaibang nilalang sa lupa, dagat, at maging sa himpapawid.
Dagdag pa rito, makakasama rin niya bilang kaniyang mga magulang sa kwento ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo at ang kapwa mahusay na aktres na si Glaiza de Castro.
Nakatakda ang kwento sa gitna ng mayamang lupain at makulay na kultura ng Mindanao, na lalo pang nagpatingkad sa ganda ng proyekto.
Kahit teaser trailer pa lamang ang inilalabas, agad na itong nag-ingay at nag-iwan ng malalim na impresyon sa social media.
Napuno ng papuri at positibong reaksyon ang comments section mula sa mga manonood at tagahanga ng cast na hindi maikaila ang pananabik na mapanood ang pelikula sa big screen.
Ilan sa mga netizens ang nagpahayag ng kanilang paghanga:
“GMA PICTURES showing you what a really BEST PICTURE worthy film was. Excited to watch this on Christmas!” ani ng isang netizen.
“Tumayo ang mga balahibo ko! Nakakakilabot! Teaser pa lang! Promise manonood ako nito. Another Blockbuster Movie ng Taon!” pahayag pa ng isa.
Dagdag pa ng isa, “Gandaaaaaa! Sana ito mag number 1 sa takilya.”
“Wow. Another GMA Pictures Masterpiece ,” sulat naman ng isa.
“May panalo na. Teaser pa lang, busog ka na sa pahapyaw nina Zig Dulay and Ricky Lee,” komento ng isa pang netizen.
“Nangangamoy hakot awards na naman. May winner na ang Best Picture, Best Actor at Child Actor. Ang gandaaa!” pahayag pa ng isa.
“This is really great, Director Zig, the cinematography is amazing,” paghanga pa ng isang netizen.
Samantala, dinaluhan ng buong koponan ang ginanap na opisyal na anunsyo para sa ikalawang batch ng mga pelikulang lalahok sa MMFF ngayong taon.
Kabilang sa mga dumalo ang pangunahing cast at ang direktor na si Zig Dulay, kasama ang kaniyang mga co-writers na sina Ricky Lee at Anj Atienza.
Nagpakita rin ng buong suporta ang mga namumuno sa GMA Pictures sa pangunguna nina President Atty. Annette Gozon-Valdes, Executive Vice President Nessa Valdellon, at Supervising Producer JC Rubio.
Ipinahayag ni Direk Zig na ang kanilang bagong obrang ito ay tiyak na aantig muli sa damdamin ng bawat pamilyang Pilipino ngayong Kapaskuhan.
“Nagbabalik po ang GMA Pictures at Brightburn sa MMFF ngayong Kapaskuhan. Katulad po ng Firefly at ng Green Bones, handog po namin sa inyo ang Amir; isang makabuluhang pelikula at isang pelikula na aantig sa puso nating lahat,” ani Zig.
Kasama nina Dennis at Argus sa proyektong ito ang iba pang kilalang Kapuso stars tulad nina Glaiza de Castro, Will Ashley, Caprice Cayetano, Heath Jornales, at marami pang iba.
Inilunsad ang 'Amir' kasabay ng tatlo pang opisyal na kalahok sa festival: ang '2nd Miracle in Cell No. 7' ng Viva Films, ang 'Haunted Carnival' ng Regal Films, at ang 'The Greatest Showdown' ng Star Cinema.
RELATED CONTENT: Dennis Trillo, 'Green Bones,' other winners at Gawad Urian 2025
Scroll to top
Comments
comments powered by Disqus