Isang kasambahay ang natagpuang patay sa bahay ng kaniyang amo sa Pasig City. Ang biktima na nakabalot sa kutson at bedsheet, hinihinalang nasa dalawa o tatlong buwan nang patay bago natagpuan.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras”, kinilala ang 37-anyos na biktima na si Amelia Villacarlos Firmeza.

Ang anak na balikbayan ng kaniyang amo ang nakadiskubre sa nangangamoy na bangkay ng biktima nitong Lunes.

Sa obserbasyon ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO), "mummified" na ang bangkay ni Firmeza dahil nangingitim at tuyot na ito nang matagpuan.

Tantiya rin ng PNP-SOCO, dalawa hanggang tatlong buwan nang patay ang biktima.

Hindi pa matukoy kung ano ang ikinamatay ng kasambahay, at tumanggi rin munang magbigay ng pahayag ang PNP Crime Laboratory.

Pero batay sa paunang resulta ng imbestigasyon ng pulis, tuklap ang kanang pisngi ng biktima at mayroon din nakitang mga butas sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan at leeg.

Aalamin kung ang naturang mga sugat ay likha ng bala o patalim.

Susuriin din ang mga suot ng biktima na may bakas ng mga dugo at aalamin kung may naiwang semilya dahil sa hinalang pinagsamantalahin din ang kasambahay.

Sampung taon na raw na nagsilbing kasambahay ang biktima sa kaniyang amo.

Ayon sa isang kapitbahay,  pala-kaibigan ang biktima kaya nagtaka sila nang hindi na nila ito nakikita.

“Matagal po namin siyang hindi nakikita, kaya nagulat kami na may nangyari sa kanya,” sabi ng isang kapitbahay na tumangging ibigay ang pangalan.

Ang kaibigan naman ng biktima na kinilalang si Melba Polongasa, nagpadala raw ng mensahe kay Firmeza sa pamamagitan ng Facebook chat pero hindi raw ito sumagot.

“Napansin ko, di ko na siya nakikita sa timeline lagi, nagtaka ako, tinanong ko yung isang kaibigan namin, bakit si Amy, parang may problema yata?,” dagdag pa niya.

Itinuturing ngayong persons of interest ng Pasig police ang amo ng biktima na si Rene Muñoz at ang anak nitong si Lance.

Itinanggi ng nakatatandang Muñoz na may kinalaman siya sa insidente dahil nasa Cebu na raw siya simula pa noong Abril dahil nandoon ang kanilang negosyo.

Sinubukan ng GMA News na hingan ng pahayag ang mag-ama ngunit hindi sila nadatnan sa kanilang bahay.--LF/FRJ/GMA News