Nagbanta ang Department of Transportation (DOTr) na kakanselahin ang prangkisa ng mga grupong sasali sa malawakang transport strike na ikakasa sa Lunes.

Sa panayam ni DOTr Undersecretary Mark De Leon kay Allan Gatus ng Super Radyo dzBB, sinabi nito na obligasyon ng mga tsuper at operator na pagsilbihan ang mga pasahero.

BASAHIN: LTFRB threatens to cancel, suspend franchises over Sept. 30 strike

“Kapag ito’y idinaan nila sa isang strike or tigil-pasada ‘yan, mangyayari makakansela ‘yung kanilang mga prangkisa. ‘Yun ang reminder ng ating departamento sa mga magsa-strike,” aniya.

Nag-anunsyo ang Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Stop & Go Coalition, at ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na magsasagawa sila ng malawakang kilos-protesta sa Lunes bilang pagtutol sa planong pwersahang pag-phase-out sa mga lumang jeepney sa July 1, 2020.

Ngunit giit ng DOTr, matagal na nilang natugunan ang mga puntong ipinoprotesta ng mga transport group.

“2017 pa natin sinabi na magkakaroon tayo ng modernization program, simula noong napirmahan yung Omnibus Franchising Guidelines. So [from] June 2017, we gave them three years until July 2020 to modernize. Ngayon, kailan pa ba natin makakamit itong modernization na ito kung babagal-bagal tayo?” sabi ni De Leon.

Dagdag ng undersecretary, hindi lamang ang makina ng mga jeepney ang nais i-modernize ng DOTr, kundi pati na rin ang proseso ng mga operator.

“Hindi lang basta basta pinapalitan ‘yung makina, kailangan palitan ‘yung buong sistema ng jeepney. And I don’t think may ganyan nang teknolohiya na pwedeng i-rehabilitate lang ‘yung jeepney. It should be a holistic transformation of this jeepney.”

“Binabago rin natin ‘yung how operators operate the jeepneys. Gusto natin cooperative na, gusto natin mas maayos ‘yung kanilang dispatching system kaya mas magiging organisado ‘yung ating pagserbisyo sa mga public commuters,” dagdag ni de Leon.

Ang hirit naman ng ACTO, hindi sila tutol sa planong PUV modernization ng gobyerno kundi sa sapilitang pagpapa-surrender ng kanilang mga prangkisa.

Ayon naman sa Malacañang, hindi nila pipigilan ang transport groups mula sa pagpoprotesta sa Lunes, ngunit nagpaalala sa mga tsuper at operator na isagawa ang kanilang protesta sa mapayapang paraan.

Iba’t ibang siyudad na sa Metro Manila ang nag-anunsyo ng kanselasyon ng mga klase dahil sa inaasahang strike. — Julia Mari T. Ornedo/BM, GMA News