Filtered By: Topstories
News

Transport groups kontra sa pagtanggal ng mga prangkisa — ACTO


Sa gitna ng paghahanda ng mga transport group sa iba’t ibang panig ng bansa para sa planadong transport strike sa Lunes, iginiit ng presidente ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) na hindi sila tutol sa PUV modernization program ng gobyerno kundi sa planong pagpapa-surrender ng kanilang mga prangkisa.

Sa kanyang panayam kay Allan Gatus ng Super Radyo dzBB noong Linggo, sinabi ni ACTO president Efren De Luna na wala raw laban ang small operators laban sa mga operator na aniya’y pinapatakbo ng mga kapitalista kung sakaling pwersahang ipapa-surrender sa kanila ang kanilang mga prangkisa.

“‘Yung sinasabi natin, bakit may kalakaran ang LTFRB [Land Transportation Franchising and Regulatory Board] na i-wash out lahat ‘yung mga prangkisa namin, i-surrender na? Ang lumalabas, new applicant na kami. Pag new applicant na kami, ‘yung ruta namin na inaasahan namin, papasukan na kami ng kapitalista,” sabi ni de Luna.

“Kailangan linawin ng gobyerno ‘yun. Kung talagang modernization lang ang hinahanap, hindi na kailangan mag-surrender kami ng prangkisa. Ang kailangan na lamang ay substitution. ‘Yung lumang sasakyan namin, papalitan namin ng bago,” dagdag nito.

Kamakailan lamang ay inanunsyo ng ACTO kasama ng Stop & Go Coalition at ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na magsasagawa sila ng malawakang kilos-protesta sa Lunes laban sa planong pag-phase out sa mga lumang jeepney sa July 1, 2020.

Ayon kay De Luna, inaasahan nilang 90 hanggang 95 porsiyento ng mga tsuper sa buong bansa ang sasali sa strike.

Dagdag pa nito, ang isasagawang strike ay hindi lamang para sa kabuhayan ng mga tsuper at operator kundi para na rin sa mga pasahero.

“Sinusuportahan din namin ang aming mga pasahero, dahil pag pinatupad nila nang pilit, naniniwala kami na hindi na 9 pesos pamasahe, magiging bente pesos na ‘yan. Ano ngayon ang mangyayari doon sa mga pasahero namin?” — Julia Mari T. Ornedo/BM, GMA News