Aminado ang professional basketball player na si Raymond Almazan na mali ang pagdaan niya sa EDSA Busway pero hindi umano totoo na tinangka nila ng kaniyang asawa na suhulan ang mga sumita sa kanila.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, humingi ng paumanhin si Almazan sa kaniyang ginawang pagdaan sa EDA Busway.

Pero nilinaw niya na hindi nila sinubukan na suhulan ang nanghuli sa kanila. Paliwanag niya, inakala ng kaniyang asawa na puwede nang bayaran sa mga enforcer ang kanilang nagawang violation.

"Yung wife ko kasi akala niya puwede naming bayaran yung violation about that. She's giving me two P500 na sabi niya bayaran ko na raw para makaalis na kami. Kasi nga akala niya mababayaran namin yung violation namin on the spot," ayon kay Almazan.

Kamakailan lang, nasita rin sa pagdaan sa busway si Luis "Chavit" Singson, at nagbigay ng "premyo" sa mga traffic enforcer na sumita sa kaniya dahil sa pagpapatupad ng batas.-- FRJ, GMA Integrated News