Kabilang ang pangalan ni Angeli Khang sa mga nakaladkad na umano'y dahilan nang hiwalayan nina Bea Alonzo at Dominic Roque. Gaano nga ba ito katotoo?

Sa latest episode ng "Updated With Nelson Canlas," itinanggi ng 22-anyos na sexy star at kasama ngayon sa Kapuso series na "Black Rider" series, na siya ang dahilan kaya naghiway sina Bea at Dom.

"Fake news po, fake news siya," paglilinaw ni Angeli, sabay paliwanag na hindi pa niya nakakatrabaho ang dalawa.

Ayon pa kay Angeli, hindi niya personal na kakilala si Dominic.

"Tingin sa akin ng mga tao 'pag lumalabas ako na taray na taray talaga sa akin, parang ako talaga yung reason ng breakup nila. Gusto kong mag-explain sa kanila, wait hindi po, hindi po kami magkakilala," sabi ni Angeli.

Mula nang madikit ang kaniyang pangalan sa breakup nina Bea at Dominic, sinabi ni Angeli na marami talaga ang nagalit sa kaniya.

"Every time po na lumalabas ako, nakikita ko 'yung mga tingin sa 'kin ng mga tao na parang hate na hate nila ako. Kaya nung time na 'yun hindi muna ako lumabas ng one week. Hindi muna ako nagpakita sa lahat," kuwento niya.

Nitong nakaraang Pebrero 2024 nang kumpirmahin nina Bea at Dominic ang kanilang breakup.

Enero 2021 nang magkamabutihan ang dalawa at naging engaged noong July 2023.

Napapanood ngayon si Angeli sa "Black Rider," na pinagbibidahan ni Ruru Madrid. Mapapanood ito mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng GMA News "24 Oras." —FRJ, GMA Integrated News