Sa isang video ang lumabas na makikitang humihingi ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas ang tatlong Filipino na kasama sa mga dinukot ng mga armadong lalaki sa Libya.

Nagtatrabaho ang tatlong Pinoy sa isang waterworks project site sa Tripoli nang dukutin sila ng mga armadong lalaki noong nakaraang buwan.

Una nang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs ang nangyari sa tatlong Pinoy. Nitong Miyerkules, lumabas ang video ng tatlo na nagpapasaklolo at humihingi ng tulong sa pamahalaan.

“The Philippine embassy in Tripoli has confirmed that the three men in the video are the three Filipino technicians who (were) taken by armed men in Libya last month,” sabi ni DFA spokesman Elmer Cato sa Agence France-Presse.

Hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang DFA kaugnay sa insidente pero nauna na nilang sinabi na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad ng Libya para sa ligtas na pagpapalaya sa mga dinukot na Pinoy.

Kasama sa mga binihag ng mga armadong lalaki ang isang Korean.

Nitong Huwebes, nagpadala ng warship ang Korea sa Libya sakaling kailanganin umano ang suporta ng kanilang militar para mapalaya ang mga bihag.

Ang naturang 4,000-ton warship na Munmu the Great, ay kasama umano sa anti-piracy operations sa the Gulf of Aden. -- FRJ, GMA News