Photo courtesy of Nagiel Bañacia, Cebu City PIO
Photo courtesy of Nagiel Bañacia, Cebu City PIO

Patay ang limang kalalakihan sa pananambang sa isang bulubunduking barangay sa Cebu City madaling-araw nitong Huwebes.

Sa ulat ni RGMA-Cebu Allan Majait sa Dobol B sa News TV, sinabing nangyari ang pananambang dakong 3:50 ng umaga nitong Huwebes sa Sitio Kan-irag, Barangay Malubog, Cebu City.

Matapos ang pananambang, tumambad sa mga awtoridad ang tatlong mga biktima na nakahandusay sa tabi ng van na gamit ng mga ito.

Dalawang biktima naman ang natagpuan sa loob ng van.

Narekober mula sa crime scene ang apat na caliber .45 na baril at isang 9mm, na hinihinalang pagmamay-ari ng limang biktima.

Narekober din sa  crime scene ang dalawang bulto ng shabu.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente. —LBG, GMA News