Natagpuan sa isang balanteng lote na nakabalot ng packaging tape ang mukha, at maging ang mga kamay at paa ng isang 19-anyos na babaeng estudyante na unang dinukot noong Lunes ng tanghali sa Zamboanga City.

Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing gabi noong Lunes nang matagpuan sa Barangay Patalon ang biktima na nakasuot ang kaniyang uniporme sa eskuwelahan.

Kaagad siyang dinala ng mga opisyal ng barangay sa pagamutan para magamot.

Ayon sa Zamboanga City Police Office (ZCPO), nagkaroon ng trauma ang biktima at kinailangang manatili sa ospital.

Batay umano sa salaylay ng biktima, naglalakad siya noong tanghali ng Lunes nang sapilitan siyang isakay ng ilang lalaki sa isang van sa Barangay San Roque.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Nanawagan din sila sa publiko huwag magpakalat ng maling impormasyon na maaaring magpalala sa traumang sinapit ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News