ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

ILO, tutulong sa kabuhayan ng 'Yolanda' victims; cash-for-work program, dapat paigting, ayon sa mambabatas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tutulong ang International Labour Organization (ILO) upang makabawi sa kanilang kabuhayan ang mga biktima ng bagyong "Yolanda." Kasabay nito, iminungkahi naman ng isang mambabatas sa pamahalaan na buhusan ng pondo ang cash-for-work program para mabilis na makabangon ang mga lugar na sinalanta ng kalamidad.

Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni Simon Hills, Disaster Response and Livelihood Development Officer ng ILO, tinatayang 100,000 katao ang pakay nilang tulungan.

Idinagdag niya na nakikipagtulungan ang ILO sa Department of Labor and Employment at sa lokal na pamahalaan para mabilis na makabawi ang sirkulasyon ng ekonomiya sa mga sinalantang lugar.

“All of the money that these people will get will be circulated, they would need (to buy) water (and) food,” paliwanag ni Hills sa pangangailangan para mabuhay ang lokal na ekonomiya.
 
“This is an entry point to make sure that people have money and support,” patuloy ng opisyal.

Ayon kay Hills, maaari silang magbigay ng pagsasanay sa mga tao na maaari nilang magamit sa kanilang kabuhayan matapos mawalan ng pagkakakitaan ang maraming magsasaka at mangingisda.

Dahil maraming gusali at empraestrutura ang kailangang gawin, puwede umanong turuan sa pagmamason, karpintero at iba pa ang mga tao para magkaroon ng trabaho.

“The ILO estimated that some 5.2 million workers have seen their livelihoods destroyed or disrupted. Among these, 2.3 million were already in vulnerable employment and living in poverty before typhoon Haiyan struck,” nakasaad sa ipinalabas na pahayag ni ILO assistant director-general Yoshiteru Uramoto.

Sa hiwalay na pahayag nitong Biyernes, sinabi naman ni Samar Rep. Mel Senen Sarmiento, na mapapabilis ang pagbangon ng mga sinalantang lugar kung bubuhusan ng pamahalaan ng pondo ang cash-for-work program at programang pautang sa mga nawalan ng kabuhayan.

“The work of rebuilding our communities in areas devastated by Yolanda must begin by giving them hope and the reason to believe that they can still have a better life. One that can even be better than what they used to have. We need to provide them the means and a decent capital for them to be able to rebuild their lives and their homes,” ani Sarmiento.

Sa gagawing rehabilitasyon ng mga sinalantang lugar gaya ng pagpapagawa ng mga bagong gusali, kalsada, tulay at iba, sinabi ng kongresista na dapat tiyakin ng gobyerno na mga residenteng biktima ng bagyo sa lugar ang kukuning trabahador at bigyan ng prayoridad na bilhin ang mga materyales na makukuha rin sa lugar.

Nanawagan din ang mambabatas sa mga nagkakaloob ng tulong na pera na ang ibigay sa halip na mga gamit at pagkain dahil mas kailangan na ito ngayon sa rehabilitasyon o pambili ng mga materyales sa pagpapagawa ng bahay.

“There are some areas that are desperate for food and water but there are also some that would rather get some help for the repair of their boats and their homes. What we need to do is to provide them with what they need at this point,” paliwanag niya.

Kung may alinlangan na magkaloob ng pera sa mga ahensiya ng pamahalaan, sinabi ni Sarmiento na maaari naman itong ipadaan sa mga pribadong organisasyon na kanilang pinagkakatiwalaan na tiyak na makararating ang kanilang tulong sa mga sinalanta ng kalamidad. -- RP/FRJ, GMA News