Filtered By: Topstories
News
2 PANG BIKTIMA NG PAMAMARIL, NAKITA

Lalaking kinuha ng mga armadong nakamaskara at motorsiklo, natagpuang patay


Tatlong bangkay ng lalaki ang nakita sa magkahiwalay na lugar sa Taguig at Quezon City. Ang isa sa mga biktima, kinuha raw ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo bago natagpuan ang kaniyang bangkay na may tama ng bala sa ulo.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, hindi naitago ng isa lalaking ang hinagpis nang malaman niyang pinatay na ang kaibigan niyang si Jeric Bernas.

Kabilang si Bernas sa dalawang bangkay na nakitang may tama ng bala sa ulo sa bakanteng lote sa C-6, Taguig City.

Ayon sa isa pa nilang kaibigan, huli nilang nakita si Bernas na nakamotorsiklo at kinuha ng limang nakamaskarang lalaki na nakasakay sa apat na motorsiklo.

Itinawag daw sa police hotline na "911" ng concerned citizen ang nangyaring pagbaril sa dalawang biktima.

Ayon umano sa saksi na nagtago sa trak, narinig nila na nagmakaawa pa ang mga biktima bago ang sunod-sunod na putok ng baril.

"Bakit pati mga walang malay dinadamay nila. Okay lang kung gagawa sila ng ganyan kung nasa katarungan. Kagaya niyan, nadamay wala namang droga," anang kaibigan ng biktima.

Hindi pa nakikilala ang pangalawang biktima na nakita sa Taguig na nakasuot ng puting t-shirt at fatigue na pantalon.

Samantala natagpuan naman sa madilim at madamong bahagi ng kalsada sa Novaliches, Quezon City ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki.

Nakasandong puti, asul na jacket, short pants at walang sapin sa paa ang biktima.

Ayon sa pulisya, may tama ito ng bala sa ulo, dibdib, bibig at baba, at may marka rin sa leeg na indikasyon na sinakal siya.

Hinihinalang itinapon lang ang bangkay sa lugar.

Patuloy ang imbestigasyon sa krimen. -- FRJ, GMA News

Tags: crime