Filtered By: Topstories
News

2 babae, 2 lalaki, patay sa pamamaril sa Quezon City; brgy. tanod, pinatay din


Lima katao ang patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Quezon City. Ang isang biktima, barangay tanod na binaril sa tapat lang ng outpost.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing apat ang nasawi sa pamamaril sa isang bahay sa Area 5 , barangay Old Balara bago maghatinggabi.

Unang binaril umano ng mga salarin ang dalawang lalaki na naglalaro ng video karera na sina Donnie Valenzuela at isang alyas Puruntong, at isinunod ang dalawang babae na nasa loob ng inuupang bahay na si alyas Mira at isa pang 'di pa batid ang pagkakakilanlan.

Ayon sa isang kapitbahay, isa sa mga salarin ang nagbanta sa kaniya na pumasok ng bahay upang hindi madamay.

"Nandito na po ako sa pinto may naramdaman lang akong nagtatakbuhan akala ko mga pulis. Sumilip ako nang ganun, pagsilip ko may baril na. Pinapapasok niya po ako," kwento ng saksi na nagsabing binantaan siya ng lalaki na babarilin.

Nakamaskara at bonnet umano ang salarin.

Ayon naman sa iba pang kapitbahay, may tatlong lalaki pa ang nagsilbing lookout sa labas ng eskinita.

Wala raw maisip na motibo sa pagpatay ang mga residente dahil hindi naman nila lubusang kilala ang mga napatay na biktima.

Ang dalawang lalaki, dayo lang daw sa lugar para maglaro ng video karera.

Ayon sa mga pulis, walang nakuhang droga sa mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon at inaalam pa ang posibleng motibo sa krimen.

Samantala, dead on the spot naman ang tanod na si Jefrrey Villanueva  matapos siyang barilin ng nakatakas na salarin sa labas ng outpost sa barangay Commonwealth.

Kuwento ng ilang saksi,  nakaupo lamang sa outpost ang biktima nang pagbabarilin siya ng mga salaring naka-bonnet at maskara.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa krimen. -- FRJ, GMA News

Tags: crime