Isang pulis ang nagbuwis ng buhay para mailigtas ang isang ginang na ginawa umanong sex slave ng lalaking dumukot sa kaniya sa Nueva Ecija. Ang suspek, patay din.

Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nanlaban ang suspek kaya napatay ang mga awtoridad sa pagsagip sa 40-anyos na biktima sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Kinilala ang napatay na suspek na si Aldy Mendez, samantalang ang nasawing pulis naman ay si PO3 Marlon Francisco.

Ayon sa ginang, dinukot siya ni Mendez noong May 16, at apat na beses daw siya kung halayin nito sa isang araw.

Umiiyak na kuwento ng biktima, tinalian siya ng kadena ng suspek sa leeg at paa, at pinagbantaang papatayin at ililibing sa likod ng kubo.

Natirang pagkain umano ng aso ang ibinibigay sa kaniya at dinuduraan pa ang kaniyang tubig.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa nangyari sa biktima, kaagad na nagsagawa ng operasyon ang pulisya para masagip siya noong Martes.

Naisugod pa sa ospital si PO3 Francisco ngunit binawian din ng buhay.

Hirap man sa kalooban, tanggap na ng maybahay ni Francisco ang sinapit ng mister at tanging hiling niya ay maging maayos ang buhay ng sinagip na biktima para hindi masayang ang sakripisyo ng kaniyang asawa. -- FRJ, GMA News