Inaresto ang isang 18-anyos na babae sa Talisay City, Cebu, dahil sa ginawang pagtapon umano sa kaniyang bagong silang na anak sa ilog.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Geraldine Castro, na nagsabing hindi niya alam na buntis siya.

Kuwento ng ina ng suspek na si Anselma Alicaba, nasa palengke siya nang malamang isinugod sa ospital si Geraldine. 

May mga nagsabi umano sa kaniya na nanganak ang kaniyang anak. Pero maging ang ginang,  hindi rin daw alam na buntis ang kaniyang anak.

"Napansin ko parang tumaba lang siya. Hindi ko talaga alam na manganganak siya dahil noong time na 'yon sumakit lang ang kaniyang tiyan. Pinainom ko lang ng mainit na tubig tapos nawala ang sakit," sabi ni Alicaba.

Nakatanggap ang Women's Desk ng Talisay City Police ng report na may isang patay na sanggol na nakitang palutang-lutang sa nasabing ilog.

Ayon sa ilang saksi, aksidente raw na nanganak si Geraldine malapit sa ilog. Pero sabi ng isang pang saksi, nakita niya ang babae na may ibinalot sa telang itim nang magpunta sa ilog.

"Ibinalot ng tela na itim. Wala na akong nakita basta pumunta siya doon," sabi ni Alberto Abendan, isang saksi.

Hinala ng pulisya, intensyon daw ni Geraldine na itapon ang sariling anak.

"Kasi kung wala kang intention, pagkapanganak pa lang sa sanggol, kung sa tingin mo wala nang buhay, dapat dinala mo kaagad sa ospital. Ibinalot ng tela na itim.

Wala na akong nakita basta pumunta siya doon at ay itinapon. Umuwi siya at wala nang dala," sabi pni PO3 Janet Marquez ng Talisay City Police.

"Wala talaga, hindi ko sinasadya. Marami ngang nagtatanong kung buntis ba ako. Sabi ko, hindi dahil normal lang ang regla ko," sabi ni Geraldine.-- FRJ, GMA News