Batid ni Mang Ricardo na sa bawat sampa niya ng bus para humingi ng tulong sa mga pasahero para sa kaniyang anak na kailangan ng liver transplant, may mga mag-iisip na baka isa lang siya sa maraming nanloloko o gumagawa ng modus para magkapera.

Ngunit ayon kay Ricardo, gagawin niya ang lahat kahit suyurin niya ang lahat ng kalsada para makalikom ng sapat na halagang gagastusin sa operasyon ng anak at madugtungan ang buhay ni baby Aju.

Tinatayang nasa P5 milyon ang kailangang malikom nina Mang Ricardo at kaniyang misis na si Grace para maisagawa ang liver transplant. 

Sabi ng ama, ang kaniya mismong atay ang kaniyang ibibigay sa anak kahit pa maging dahilan ito ng kaniyang kamatayan.

"Kung dumating yung liver transplant na yon, ini-offer ko na po yung liver ko sa anak ko kasi magka-type po kami ng blood type O," kuwento niya sa programang "Reel Time."

"Nung una pa lang sabi ko na na ako talaga ang magbibigay ng liver para sa bata. Sabi ko kahit nasa risk ang buhay ko, kahit pa 'yon ay daan para mawala rin ako sa mundo, hindi ko po alintana 'yon madugtungan ko lang yung buhay niya," sabi pa ni Mang Ricardo.

Panoorin ang kuwento ng laban ng pamilya ni Mang Ricardo para sa buhay ng kaniyang anak na si Aju.

Katuwang ni Mang Ricardo ang kaniyang maybahay na si  Grace sa paghahanap ng mga barya upang makalikom ng sapat na halagang gagamitin sa operasyon ng anak.

Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News