ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

Kuwento ng mga street performer, tampok sa musical documentary ng 'Reel Time'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

REEL TIME PRESENTS MUSIKALYE

Sa kaliwa’t kanang ingay ng kalsada, paano nga ba mangingibabaw ang iyong sariling tinig? Paano mo rin mapaparinig sa mga tao ang iyong mga kuwento?

Para sa dalawamput anim na taong gulang na si Eloisa, musika ang kanyang naging kanlungan sa mga panahong tila pinagsakluban na siya ng langit at lupa. Dalawang beses kada linggo, hinaharana niya ng mga awitin ang mga taong dumadaan sa Bonifacio High Street sa Taguig. Ang kanyang mga awitin, siya mismo ang nagsulat. Isinasatitik niya kasi ang mga masasaya at malulungkot na tagpo ng kanyang buhay. Isa lang si Eloisa sa mga tinatawag na street busker sa BGC. Nais niyang maiparinig sa bawat taong dumadaan ang kanyang tinig at himig.

Ang mga matataong lugar naman sa Maynila at Quezon City ang nagsilbing entablado ni Joon Baltazar na halos dalawampung taon nang baldado dahil sa kanyang kondisyon na quadriplegia. Paralisado ang kalahating katawan ni Joon. Sa kabila ng kanyang kakulangan, musika ang nagdagdag ng pag-asa sa mga panahon ninais na niyang sumuko sa buhay. Sa kasalukuyan, magbabalik sa kalsada ang rakistang si Joon upang tumugtog at makaipon ng kulang-kulang dalawandaang libong piso para sa kanyang operasyon.

Kung para naman sa ilan, ingay at sakit sa tainga ang hatid niyang rock music, paraan naman daw ito ni Joon na maipamalas ang kanyang talent at silbi sa buhay. At bilang bahagi ng kanyang ipinaglalaban, hinahandungan niya rin ng mga awitin ang mga pasyenteng nakaratay sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City. Batid niyang sa munting oras ng kanyang pagkanta, katumbas naman nito ay ngiti ng pag-asa sa mga kapwa niyang persons with disability.

Sina Eloisa at Joon, parehong inihele ng kani-kanilang musika papunta sa landas ng kanilang mga pangarap.

Sama-sama nating pakinggan ang kuwento ng pag-asa at mga awitin ng pangarap sa isang musical documentary sa Reel Time presents Musikalye, Oktubre 14, 9:15pm, Sabado sa GMA NewsTV 11.