Dalawang persons of interest sa masaker ng limang magkakapamilya sa San Jose del Monte City, Bulacan ang inimbitahan ng pulisya.

Tumanggi muna si Superintendent Fitz Macariola, acting chief ng San Jose del Monte City police, na magbigay ng detalye sa pagkatao ng dalawang lalaki habang nilinaw na hindi pa ang mga ito aktuwal na mga suspek sa krimen.

"Masyado pa pong napakaaga para magbanggit na ang dalawang ito ay sila na ang magiging suspek," sinabi ni Macariola sa isang interview sa Unang Balita nitong Miyerkules.

Aniya, marami pang ibang persons of interest ang kanilang iimbitahan upang isailalim sa pagtatanong kaugnay sa pagpaslang sa biyenan, asawa at tatlong anak ng sekyu na si Dexter Carlos sa kanila mismong bahay sa Block 1, Lot 8, Northridge Subdivision, Barangay Santo Cristo.

Nadiskubre ng sekyu ang mga katawan ng kanyang biyenang si Auring Dizon, 58; asawa na si Estrella Dizon, 28; at kanyang mga anak na si Donnie, 11; Ella, 7 at Dexter Jr., 1 nang umuwi siya pasado alas-otso ng umaga nitong Martes.

Sinabi ni Macariola na mukhang rape ang mismong motibo sa pagpasok sa bahay ng mga biktima dahil wala namang nawalang mahahalagang gamit ang mga ito.

Aniya, dalawa sa mga biktima ang posibleng ginahasa base sa inisyal na imbestigasyon.

Naniniwala rin ang mga imbestigador na dalawa katao o mahigit pa ang sangkot sa karumaldumal na krimen.

Sa mga naunang mga ulat, natagpuang walang saplot ang mga biktima.

"Marami po sila. Hindi po natin masasabi na dalawa lang po eh," anang hepe.

Sinabi nilang hinihintay pa nila ang resulta ng forensic investigation.

Ayon pa sa ulat ni GMA News reporter Victoria Tulad sa Unang Balita, pinaghihinalaan ng pulisya na posibleng lulong sa droga ang mga pumatay sa mga biktima. —Jamil Joseph Santos/ALG, GMA News