Filtered By: Showbiz
Showbiz

Fabio Ide at Daniel Matsunaga, handa raw makasagupa ang mga Younghusband sa football


Matapos manalo ang football team nina Fabio Ide at Daniel Matsunaga kontra sa Baguio Football Club, ang koponan naman ng magkapatid na Phil at James Younghusband ang makakasagupa ng mga Kapuso hunks sa susunod nilang laban. Kabilang ang dalawang Brazilian-Japanese models turned actors na sina Daniel at Fabio sa Team Socceroo FC na naglalaro ngayon sa United Football League. Sa ulat ni showbiz reporter Cata Tibayan sa GMA news 24 Oras nitong Martes, kakaibang Daniel at Fabio ang nakita ng mga nanood sa kanilang football match last weekend. Dito ay nakipagsabayan ang dalawa sa iba pang manlalaro at hindi rin alintana sobrang putik sa football field sa kanilang ensayo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “That’s my dream to become a football player before even start showbiz," ayon kay Daniel na nagsabing pangarap niyang makasali sa national football team ng Brazil. Sinabi naman ni Fabio na sadyang hilig niya ang paglalaro ng football kaya masaya siya nang mabigyan ng pagkakataon na makasali sa liga. Sa susunod nilang laban, makakaharap ng team ni Fabio at Daniel ang Meralco Sparks na kinabibilangan naman nina James at Phil Younghusband, na kapwa miyembro rin ng Philippine Azkals. Dagdag ng dalawa, matinding paghahanda ang kanilang ginagawa para sa naturang liga at ipakikita nila ang husay ng mga Brazilian pagdating sa football. - FRJ, GMA News