Cast ng My Husband's Lover, mainit na tinanggap sa Cebu
Personal na nagpasalamat sa mga Cebuano ang mga pangunahing bida ng hit Kapuso primetime series na My Husband's Lover. Nitong Huwebes, dalawang mall sa Cebu ang nilibot ng cast members ng " MHL" na pinangunahan nina Carla Abellana, Tom Rodriguez, at Dennis Trillo, upang ipaabot ang kanilang pasasalamat sa mga sumusuporta sa kanilang serye. Sa kanilang first ever promotional tour sa Visayan region, ramdam daw nila ang init ng suporta ng kanilang Cebuano fans. Pagtiyak ni Dennis, marami pang rebelasyon na dapat abangan sa programa. “Anong mangyayari sa pamilya ni Vincent, kung mananatili bang buo. Matitiis ba ni Lally yung makisama kung ganun yung lagay ng asawa niya. Ang dami pa, sobrang dami,” ayon kay Dennis na gumaganap sa karakter ni Eric. Inimbitahan naman ni Tom, gumaganap sa karakter ni Vincent, ang mga manood na patuloy na suportahan ang kanilang serye na napapanood mula Lunes hanggang Biyernes sa Kapuso network. Sambit naman ni Carla na gumaganap na asawa ni Vincent na si Lally, “Maraming salamat po, daghang salamat po sa inyo for your love and support for my husband's lover. We will continue to do our best, to make the show beautiful for you.” -- Lou-Anne Mae Rondina/FRJ, GMA News