Filtered By: Showbiz
Showbiz

Glenda Garcia sa laban niya sa breast cancer: 'Ako ang nanalo, ako ang nagwagi'


Sa Startalk TX nitong Sabado, ipinakita ni Glenda Garcia ang palatandaan kung gaano niya katapang na nilabanan at hinarap ang sakit na breast cancer.  Kasabay nito, idineklara ng aktres na siya ang nagwagi sa laban sa kinatatakutang sakit ng mga kababaihan.
 
Sa panayam ni Butch Francisco kay Glenda sa Startalk TX, binalikan ng aktres ang mga unang araw nang malaman niya na mayroon siyang cancer sa dibdib.
 
Bago nito, walong taon nang nagbibigay ng counselling si Glenda sa breast cancer patients at hindi raw niya inakala na darating ang araw na magkakaroon din siya ng naturang sakit na nakaapekto sa dalawa niyang dibdib.

 
Nitong nakaraang Nobyembre lang iniulat sa Startalk na mayroong stage 2 breast cancer si Glenda. Bilang bahagi ng gamutan, sinabi ng aktres na inalis na ang dalawa niyang dibdib.
 
Sa kabila ng pinagdaang pagsubok, labis ang pasasalamat niya sa nakukuhang suporta sa kaniyang pamilya at maging sa GMA Network dahil hindi siya inalis sa kinabibilangan niyang programa kahit nagpapagamot.
 
Dahil sumailalim si Glenda sa chemotherapy, nalagas ang kaniyang buhok at nakalbo.
 
Bagaman gumagamit siya ng wig sa trabaho, nilinaw ng aktres na hindi niya ikinahihiya ang pagkawala ng kaniyang buhok.
 
Sa panayam sa kaniya ni Butch, inalis ni Glenda ang suot niyang wig.
 
"Yung pagiging kalbo ko po hindi ko po ikinahihiya dahil ito po ang naglalarawan kung papaano ko po... ganung katapang na hinarap ang cancer ko. At ako ang nanalo, ako ang nagwagi," matatag na pahayag ng aktres.

"Yung mga scares ko sa dibdib, yung pagiging kalbo ko, ito yung naglalarawan kung gaano ako katapang na nilalabanan ang cancer ko. At gusto ko pong sabihin na ngayon pa lang po'y ina-announce ko po na healed na ako, and I declared it na hindi na babalik ang cancer ko.  Ako po ang panalo," dagdag niya.
 
Naniniwala si Glenda na inihanda siya ng Diyos sa pagharap sa naturang sakit sa pamamagitan ng pagbibigay niya ng counselling sa mga breast cancer patient.
 
Sinabi rin ng aktres na nakapagbigay din sa kaniya ng inspirasyon sa paglaban sa sakit ang mga mahihirap na nakasalamuha niya na mayroon ding  breast cancer.
 
Payo naman ni Glenda sa mga kababaihan, mahalaga ang regular na pagpapatingin sa duktor. At kung matutuklasan na taglay ang sakit, huwag umanong matakot dahil magagamot na breast cancer ngayon kung maaaga itong maagapan.
 
Binigyan-diin din niya ang kahalagahan ng pananalig sa Diyos.
 
Sa ginanap na Breast Cancer Awareness Month nitong nagdaang Oktubre, sinabi na ang Pilipinas ang mayroong pinakamataas na kaso ng breast cancer sa buong Asya. -- FRJimenez, GMA News