Filtered By: Showbiz
Showbiz

Andrea Torres, magpapa-sexy sa Pari Ko'y


Dapat daw abangan ang pagpasok ng karakter ni Andrea Torres sa Kapuso primetime series na Pari 'Koy kung saan lulutang ang kaseksihan ng number two sexiest woman ng FHM Philippines.

Sa "Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing si Andrea ang magiging guest star sa Pari 'Koy na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes.

Gagampanan ni Andrea ang karakter ni Leila na isang prostitute kaya tiyak daw na maipapakita ng aktres ang dahilan kung bakit itinanghal na number 2 sexiest woman ng FHM Philippines.

Kung ano ang magiging koneksyon ni Leila sa karakter ni Dingdong na si Fr. Kokoy, iyon daw ang dapat abangan.

"Abangan kung ano ang magiging impluwensiya niya sa akin at sa pamilya namin," anang aktor.
 
Aminado naman si Andrea na kinabahan siya sa kaniyang karakter dahil iba raw ito sa mga nauna na niyang ginawa.

Bukod sa Pari 'Koy, excited na ring magbalik ng Cambodia si Andrea sa August para sa premiere ng ginawa nilang mini-series ni Mikael Daez doon na "Blood in Dispute."

Ang naturang min-series ay ipapalabas din sa Kapuso Network at posibleng maging sa ibang bansa sa labas ng Asya.

Plano raw kasi ng kanilang director sa mini-series na ipalabas ito sa Amerika at isali sa international festivals. -- FRJ, GMA News