Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Sneak peek at Alden Richards' new music video


 
Tuloy-tuloy ang pagbuhos ng biyaya para sa Pambansang Bae na si Alden Richards. 
 
Bukod sa kabi-kabilang endorsements at walang sawang pagtutok ng buong sambayanan sa tambalan nila ng Dubsmash Queen ng Pilipinas na si Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub sa Kalyeserye ng noontime show na Eat Bulaga, abala rin siya sa marami pang showbiz commitments.
 
Ayon sa ulat ng Unang Hirit nitong Lunes, ilang linggo lamang matapos i-release ang kaniyang awiting “Wish I May,” nagsimula na ring mag-shoot ang Kapuso heartthrob para sa kaniyang unang music video sa ilalim ng direksyon ni Louie Ignacio. 
 
Tiyak raw na magugustuhan ng lahat ang mga kantang inihanda niya para sa kaniyang album, kaya raw siya mismo ay excited na sa launch nito.
 
Nagsimulang mag-record ng mga kanta si Alden noong nakaraang buwan, at sinabing “kilig at relaxing” raw ang mga kantang napili para sa kaniyang bagong album.
 
Dagdag pa niya, original compositions ito lahat sa ilalim ng GMA Records, at inaalay niya raw ito sa kaniyang namayapang ina na hindi siya napakinggang kumanta noong nabubuhay pa ito. 
 
Nakatakda na ring idaos ang kaniyang album launch sa susunod na buwan, habang abala rin siya sa shooting ng Metro Manila Film Festival 2015 entry na “My Bebe Love,” kung saan makakasama niya si Bossing Vic Sotto, Comedy Concert Queen AiAi Delas Alas, at maging si Yaya Dub. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News