Filtered By: Showbiz
Showbiz

Trixie Maristela at Francine Garcia, sasabak sa gay beauty pageant sa Thailand


Tatlong naggagandahang Pinay transgender ang sasabak sa Miss International Queen Beauty Pageant sa Thailand na kinabibilangan nina Trixie Maristela at Francine Garcia.

Pero kahit kabilang sila sa mga maglalaban sa naturang kompetisyon, wala naman daw iringan na namamagitan sa dalawa, ayon sa "Starbites" report ni Cata Tibayan sa GMA News TV's Balitanghali nitong Miyerkules.



Bukod sa parehong maganda, kapwa impressive ang dalawa pagdating sa question and answer portion sa mga sinasalihang beauty pageant.

Katunayan, palagi silang pasok sa final 5 ng mga sinasalihang kompetisyon.

Ngayong taon, hinirang na Miss Gay Manila 2015 si Trixie, habang 2nd runner up naman si Francine.

Sa November, muli silang maglalaban para makuha ang korona ng Miss International Queen Beauty Pageant na gaganapin sa Pattaya, Thailand.

Noong 2012, ang nabanggit na korona ay napanalunan ng Pinay transgender na si Kevin Balot.

Ngayong taon, kasama nina Trixie at Maristela na sasabak sa naturang kompetisyon ang isa pang transgender na si Michelle Binas.

Para kay Trixie, isang friendly competition ang sasalihan nila ni Francine.

Masayang mensahe naman ni Francine kay Trixie, "May the best girl win."

Bukod sa karangalan na maging kinatawan ng bansa, hangad din nina Trixie at Francine na maisulong ang kani-kanilang adbokasiya kasama na ang pagbibigay inspirasyon sa iba. -- FRJ, GMA News