Worried about hypertension, Kris Aquino planning 'lifestyle changes'
Nabahala ang TV host at aktres na si Kris Aquino sa muling pagtaas ng kaniyang blood pressure mula nitong Huwebes ng gabi hanggang Sabado dahil sa tuloy-tuloy na pagtatrabaho sa loob ng tatlo hanggang apat na araw.
Matapos makapagpahinga at makapagsimba, kinausap ng aktres ang kaniyang mga kapatid at doktor para sa maaari niyang gawin upang mapangalagaan ang kaniyang kalusugan.
Dito umano napagdesisyunan ni Kris na magsagawa ng ilang malalaking pagbabago sa kaniyang career.
Aniya sa isang Instagram post, “Our dad had his heart attack when he was 47 years old, I'm now 45 and the only one in our family with hypertension... I'll keep you #MyIGBarkada posted because I need to make some important life choices in the next few days.”
Dagdag dito ni Kris, nananatiling pinakamahalaga sa kaniya ang pag-aalaga sa kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby.
“I am the girl who has passionately loved & prioritized my work, and these decisions aren't easy that's why I'm praying fervently for God's loving guidance. My two boys need a healthy mom & that is my primary, long term goal.”
Isinugod sa ospital ang tinaguriang “Queen of All Media” noong August 2015 dahil sa pagtaas ng kaniyang blood pressure.
Sa hiwalay na Instagram post, ibinahagi rin ni Kris na bukod sa pagpapahinga, sinisiguro rin niyang kumakain siya ng tama at nakakapag-ehersisyo upang mapangalagaan ang kaniyang kalusugan.
Umaasa raw siya na maging inspirasyon sa lahat ng kababaihan ang kaniyang wellness journey. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News