Filtered By: Showbiz
Showbiz

Buboy Villar, girlfriend Angillyn Gorens explain decision to live together before marriage


 

Inamin ng “Encantadia” star na si Buboy Villar nitong nagdaang Hulyo na nagasasama na sila ng kaniyang American girlfriend na si Angillyn Serrano Gorens.

Buo man ang suporta ng pamilya ni Buboy sa dalawa, hindi naman lingid sa kaalaman ng magkasintahan na tutol ang mga magulang ni Angie sa desisyon nilang mag-live in.

Giit ng dating child actor, kaya nilang panindigan ang kanilang desisyon at kaya nilang alagaan ang isa't isa.

“Tutol sa akin 'yung parents. Hindi pa kami nakakapag-usap. Ang masasabi ko lang, masaya ako sa sitwasyon namin ngayon, at kung sakaling mabigyan ako ng pagkakataong sabihin lahat ng saloobin ko para kay Angie, sasabihin kong totoo lahat 'yun at walang halong panloloko,” aniya sa “Magpakailanman” nitong nakaraang linggo.

Dagdag pa ng 18-year-old na aktor, “Maraming nagsasabi na 18 pa lang kami, bata pa kami, marami pang puwede gawin sa buhay. Those are true, pero naisip ko, puwede kong gawin 'yung mga masasayang bagay na kasama siya at puwede kong tuparin ang mga pangarap ko na kasama ko siya.”

Paliwanag naman ni Angie, maliban sa kaniyang pagmamahal kay Buboy, nag-desisyon rin siya pumayag sa live-in dahil nais niyang patunayan sa kaniyang mga magulang na kaya niyang maging responsable.

“Sa States, most 18-year-olds, nagse-separate na sila sa parents nila kasi gusto nilang maging independent, gusto nilang mabuhay mag-isa, gusto nilang maging responsible. Ako, nabuhay ako na Daddy's girl, umaasa sa parents ko. Nagsawa ako, parang I wanted things to change. Gusto kong maging responsible, independent, gusto kong ipakita na kaya kong mabuhay na ako lang,” aniya.

Nilinaw ng magkasintahan na hindi nila pinuputol ang kanilang ugnayan sa mga magulang at buong pamilya ni Angie, ngunit humihingi lamang sila ng pagkakataon upang mapatunayang hindi nila pagsisihan ang kanilang desisyon.

Hindi rin umano nila pababayaan ang kanilang pag-aaral at iba pang responsibilidad sa buhay.

Aniya, "Kahit mag-live in kami, dapat tapusin pa rin namin 'yung pag-aaral namin. Hindi puwedeng pabayaan 'yun para walang masabi ang mga tao. Kailangan mag-aral at tuparin ang mga pangarap natin, pero kailangan ay magkasama tayo."

“Hindi namin pinuputol ang relasyon namin sa mga magulang namin. Gusto lang sana naming suportahan kami dahil ito talaga ang gusto namin. Gusto kong humingi ng sorry dahil alam kong kasalanan ko na hindi ko pinaalam ang mga nangyayari sa amin. Gusto ko lang maging masaya si Angie, at alam kong gusto niyo rin maging masaya siya,” ayon kay Buboy.

Dagdag pa niya, “Bigyan niyo lang po ako ng tiwala at papatunayan kong kaya kong panindigan si Angie. Saanman kami magpunta, poprotektahan ko siya at hindi ko hahayaang masaktan siya. Pangako 'yan.”

Mensahe naman ni Angie sa kaniyang mga magulang, “Gusto ko rin mag-sorry sa Mommy at Daddy ko kasi kasi na-disappoint din sila. Alam ko na masakit para sa kanila... Gusto ko lang sabihin na masaya ako sa ginagawa ko at gusto kong nandiyan pa rin sila sa buhay ko kasi sila ang mga magulang ko at mamahalin ko sila habambuhay.”

“Thankful ako sa kanila kahit protective sila sa akin. Naiintindihan ko sila, pero hindi ko nire-regret ang decision ko with Buboy kasi mahal na mahal ko talaga siya,” pagtatapos niya. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News