Filtered By: Showbiz
Showbiz

Yuan 'Pao Pao' Francisco, na-discover sa mall


Kinagigiliwan ngayon ng mga sumusubaybay sa hit Kapuso fantaserye na "Encantadia" ang cute at bibong bata na si Yuan Francisco, na kilala rin bilang si "Pao Pao."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing unang nasilayan ang anim na taong gulang na si Yuan bilang commercial model, na ang pinakabago ay tungkol sa TV ad para sa isang fabric softener kung saan makikita siyang nagpaparada at hindi pinagpapawisan.

Ayon kay Grace na ina ni Yuan, na-discover ang kaniyang anak ng isang talent scout habang nasa isang mall.

Ngayon, kabilang si Yuan sa tinututukang "Encantadia" kung saan ginagampanan niya ang mahalagang karakter bilang si Pao pao na nakatuklas sa isa pang brilyante na may kapangyarihan.

Pero kahit artista na, sinabi ni mommy Grace na hindi nila pinagkakaitan ng oras si Yuan para makapag-aral at makapaglaro.

Ipinatutupad daw nila ang tamang pagsunod sa oras ng pag-aaral, paglalaro, showbiz at paggawa ng commercials, at pati na ang oras sa paggamit ng gadgets.

Apat na oras lang naman daw ang taping ni Yuan at pagkatapos nito ay may nakalaang sasakyan na naghahatid sa kanila.

At ang paboritong Kapuso celebrities daw ni Yuan, sina Alden Richards at 24 Oras anchor Mike Enriquez, na kayang-kaya niyang gayahin. -- FRJ, GMA News