Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ivan Dorschner, ikinuwento ang surprise visit sa kaniya ni Barbie Forteza nang magkasakit


Balik-trabaho na ang Kapuso heartthrob na si Ivan Dorschner matapos ang ilang araw na pagpapahinga matapos magkasakit. Kuwento ng binata, malaking tulong sa kaniyang speedy recovery ang surprise visit ang "Meant To Be" leading lady na Barbie Forteza.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes,  masayahin at energetic na ulit si Ivan at hindi halatang kagagaling lang niya sa sakit, na naging dahilan para irekomenda ng duktor na magpahinga siya ng tatlong araw.

Lumala raw ang lagnat ni Ivan dulot ng pagod, na sinamahan ng pabago-bagong lagay ng panahon at paghina ng resistensiya.

Nagawa pa raw ni Ivan na tapusin ang taping ng "Meant To Be" bago niya naisipang magpatingin sa duktor.

Ayon sa duktor, tinamaan ng bacterial infection si Ivan at inirekomenda na mag-complete bed rest for three days ang aktor.

Kaya naman hindi naiwasan mag-alala ng kanyang mga magulang na naka-base sa America.

Nagpapasalamat ang binata sa lahat ng nagdasal sa kanyang mabilis na paggaling. Kasama raw na nakatulong sa kanyang speedy recovery ang ginawang pagdalaw sa kaniya ni Barbie.

"Nagsisipilyo ako tapos paglabas ko ng CR sabi ko, 'wait I know this perfume,'"kuwento ni Ivan nang makita si Barbie kasama ang mommy ng aktres.

Ngayong wala nang sakit, back with vengeance daw si Ivan sa mas kapana-panabik na mga eksena sa "Meant To Be" ngayong umamin na ang apat na boys na may pagtingin sila kay Billie [Barbie].

Simula na raw ito ng mas matinding kompetisyon ng boys sa puso ng dalaga. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT