Filtered By: Showbiz
Showbiz

How AiAi knew that boyfriend Gerald Sibayan is The One


Tulad ng marami, may "signs" daw na nakita ang Kapuso star at Comedy Concert Queen na si AiAi Delas Alas sa kaniyang kasintahang si Gerald Sibayan na tila nag-kumpirma na siya na nga ang "The One."

Una na raw sa mga sign na ito ang mga positibong komento mula sa kaniyang pamilya at mga kaibigan.

 

 

Aniya sa isang panayam nitong Miyerkules, "Unang-una, walang taong nega sa kaniya sa pamilya ko, sa friends ko, sa kamag-anak ko. Wala silang hindi magandang nasasabi tungkol sa kaniya. Puro positive. Sa mga pari kong kaibigan, hindi lang pinaparinig sa kaniya, pero sinasabi nilang napakabait ni Gerald."

"Ang nanay ko, mahirap i-please, pero gusto niya si Gerald... 'Yung mga anak ko rin, gusto nila si Gerald. Nakikita kasi nila sa loob ng bahay, kaya kilala talaga nila," dagdag pa niya.

Isang magandang senyales rin daw ang pagiging maka-Diyos ng kaniyang kasintahan.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na deboto ni Mama Mary si AiAi, kaya naman malaking bagay para sa batikang komedyante na sinasamahan siya ni Gerald sa pagdarasal at pagno-novena.

Ayon sa kaniya, "Siya lang sa lahat ng naging boyfriend ko at asawa ko ang sinasamahan akong mag-novena tuwing Wednesday... Parati kaming nagsisimba at nagno-novena nang sabay... Ang center namin ay si God, kaya siguro it works."

Panghuli sa mga "sign" na natanggap ni AiAi ang tila mabilis na pagsagot ng Diyos sa isang partikular na panalangin.

Kuwento ng Kapuso star, "Mayroong isang pagkakataon na sabi ko talaga, 'Lord, bigyan mo naman ako ng sign na siya na talaga.' Noong araw na 'yun, dapat hindi siya magsisimba kasi may trabaho siya, pero na-surprise niya ako. Pagmulat ko (pagkatapos magdasal), nasa tabi ko siya. Nagulat ako! Sabi ko, 'Lord, ito na ba 'yung sign?'"

Matatandaang na-engage sina AiAi at Gerald kamakailan lamang matapos ang ilang taong pagsasama bilang magkasintahan.

Ayon kay AiAi, noong nakaraang taon pa dapat sila nakatakdang magpakasal, ngunit humingi siya ng mas mahabang panahon upang makapag-isip at makapaghanda para sa panibagong hakbang na ito sa kanilang relasyon.

Aniya, "Sabi kasi ng best friend kong pari, kahit 1% lang ang doubt, no talaga. Pero kapag wala nang duda, go na"

"Iba 'yung ipinipilit sa natural na dumadating. 'Yung last ko, ipinilit ko kasi 'yun. Marami akong gustong ipaglaban noon, marami akong gustong patunayan. Pero mali, at lahat ng nagsimula nang mali ay natatapos nang mali. Lahat ng nagsisimula nang tama ay natatapos nang tama," paliwanag pa ng Comedy Concert Queen.

Inaasahang matutuloy na ang kasalang AiAi at Gerald sa darating na 2018. —JST, GMA News