ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Emosyonal na si Celine Dion, napakanta nang acapella matapos ma-touch sa Pinoy fans


Sulit na sulit ang mga Pinoy fans kay international diva na si Celine Dion, matapos mag-perform muli ang kanilang idolo para sa ikalawang gabi ng concert niya sa MOA Arena nitong Biyernes ng gabi.

At bilang pasasalamat sa kanila, nag-alay ng acapella  song ang French-Canadian superstar bago ito tuluyang magpaalam sa kanila.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend, sinabing sunud-sunod pa rin ang pagbirit ni Celine.

Hindi nawala ang kaniyang mga signature songs tulad ng "The Power of Love," "All By Myself," "Because You Loved Me," "It's All Coming Back To Me Now," "Beauty and the Beast," at siyempre ang hindi maikakailang pinakasikat na kanta ng kaniyang buong career, ang "My Heart Will Go On."

 

The unsinkable song. #myheartwillgoon #titanic #celinedion #celinedionlive2018

A post shared by Marc Meru (@marcmeru) on


Matapos kantahin ang pamosong theme song ng "Titanic" bilang huli niyang awit ng gabi, nagpaalam na si Celine at naglakad na papunta sa gilid ng entablado.

Ngunit sa sobrang lakas ng hiyawan ng mga fans na sabay-sabay pang sumigaw ng "We love you, we love you," hindi natiis ni Celine na bumalik muli sa gitna ng stage upang magpasalamat muli.

"The show's supposed to be over actually. Well you're not making it easy for me to go," sabi niya.

Kaya naman nabiyayaan ang mga fans ng isa pang pahabol na kanta o encore. Ibinirit ni Celine ang classic Elvis Presley song na "Can't Help Falling In Love" nang acapella.


Ilan sina Bossing Vic Sotto at Pauleen Luna sa mga celebrity na nakasaksi sa galing ni Celine sa entablado.

Bilang mga fans din, pinili nilang manood ng concert para sa kanilang date night.

"Mag-enjoy para sa panonood kay Aling Celine," sabi ni Vic.

"Aling Celine? si Bes!" natatawang sabi ni Pauleen.

Dalawang gabing nag-perform sa Pilipinas si Celine, noong July 19 at July 20. Unang lumabas ang tickets para sa July 19 show niya at agad nag-sold out. Dahil dito, napilitan ang mang-aawit na magdagdag ng pangalawang show.


Bahagi ito ng kaniyang Asia-Pacific regional tour 2018, kung saan makikita ang singer na umikot sa mga bansa tulad ng Japan, Singapore, Taiwan, Indonesia, Thailand.

Kakanta rin siya sa Australia at New Zealand sa Agosto, bago bumalik sa residency niya sa Las Vegas.

Unang itinakda ang concert si Celine sa Pilipinas noong 2014 pero nakansela ito dahil kailangan niyang pagtuunan ng pansin ang mister niya na may cancer na kalauna'y pumanaw din. — MDM, GMA News