Filtered By: Showbiz
Showbiz

Aya Medel: Sex symbol noon, Chef Aya na ngayon


Larawan mula sa FB account ni Aya Medel
Mula sa pagiging sex symbol noong dekada 90's, isa nang professional chef at negosyante si Aya Medel na binansagan noon na "Papaya Queen" dahil sa kaniyang malusog na dibdib.

Sa kaniyang Facebook account, nagpost si Aya ng mga larawan na may kasamang caption tungkol sa dalawang medalya na nakamit niya.

"Proud to say I got 2 medals. SILVER MEDAL FOR PROFESSIONAL CULINARY ARTS AND SILVER MEDALS FOR PROFESSIONAL BAKING  CACS Batch XIV 2008," ayon kay Aya.

Sa naturang post, sinabi ng dating sexy star na tumigil siya sa showbiz para ituloy ang kaniyang pangarap na maging chef.

"Di alam ng marami ng nag stop ako mag showbiz I went back to school to pursue my dream to be a Professional Chef," pahayag niya.

Sa isa pang post, ibinalita ni Aya na magbubukas na sa Mayo ang itinayo niyang IshiAya's Garden Bistro sa Tabaco, Albay, ang bayan kung saan siya nagmula.

Sa mga hindi nakakaalam, hiwalay si Aya sa kaniyang Japanese husband na si Yoji Hayukawa, at mayroon silang isang anak na babae na si Shania Ishi Hayukawa.

Sa mga nais malaman ang love life ni Aya, 'in a relationship' ang inilagay na status ng magandang chef sa kaniyang Facebook account.

Sa panayam sa kaniya noon ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), sinabi ni Aya na kahit hiwalay na sila ni Yoji ay nanatili naman silang mabuting magkaibigan at nagtutulungan para sa kanilang anak.

Sinabi pa ni Aya na masaya siya dahil maayos na ang kaniyang buhay ngayon at natulungan niya ang kaniyang pamilya sa Albay.

"Sa simula pa lang, ang goal ko ay ang tulungan ang pamilya ko sa Tabaco, Albay. Kaya ako nag-artista para makaipon. Sino ba naman ang mag-aakala na sisikat ako noon, e, ang itim-itim ko? Ang boobs ko lang talaga ang panlaban ko at ako lang ang tinaguriang Papaya Queen noon, ‘di ba," anang aktres sa PEP.

Dagdag pa niya, "Ngayon, nagpapasalamat ako sa Diyos kasi nalagay sa ayos ang buhay ko at ng pamilya ko. Nakakilala ako ng mabait na asawa na kahit na hiwalay na kami, walang nabago sa pagtingin niya sa akin at sa anak niya."

Noong 2007, nagbalik sa pag-arte si Aya sa telebisyon sa dating afternoon show sa GMA na "Daisy Siete."

Ilan sa mga pelikulang ginawa ni Aya ay ang Siya's Nagdadalaga, Ang Babae sa Bubungang Lata, Molata, Pagsaluhan, Sisa, at Bukambibig.

Ang narating ngayon ni Aya ay patunay na may buhay sa likod ng showbiz.

Saad ni Aya sa kaniyang post sa FB para pasalamatan ang pamilya at mga taong tumulong sa kaniya: "Tama sabi ng matatanda. MAGSUNOG [ng] KILAY PARA MAABOT PANGARAP. 'PAG MAY TIYAGA MAY NILAGA" (bulalo hehehe)." -- FRJ, GMA News
LOADING CONTENT