Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joey Marquez, Jean Garcia to rekindle love affair?


Kahit natapos na ang sitcom na Lagot Ka, Isusumbong Kita pagkatapos ng apat na taon na pag-ere nito sa GMA-7, hindi pa rin tapos ang lahat para sa actor-politician na si Joey Marquez dahil muli siyang mapapanood sa bagong sitcom na Who's Your Daddy Now?. Kasama ni Joey sa nasabing sitcom sina Raymart Santiago, Paolo Contis, Celia Rodriguez, Jean Garcia, Julia Lopez, at ang newcomer na si Alynna Asistio. Natutuwa si Joey na kahit papaano ay hindi siya pinapabayaan ng Siete. Sa tuwing may natatapos siyang show ay agad siyang nabibigyan ng kapalit. "I am very thankful to GMA-7 kasi ilang taon na rin akong nasa bakuran nila as a comedian. Magaganda lahat ng mga shows na ibinibigay nila sa akin," nakangiting panimula ni Joey. "Before dumating itong Who's Your Daddy Now?," patuloy niya, "ay nabigyan din ako ng magandang role sa Fantastic Man kung saan bida naman si Mark Herras. And of course, nandiyan pa rin ang S-Files dahil extended pa kami ng ilang weeks." Ang isa pang ikinatutuwa ni Joey ay nabibigyan siya ng pagkakataon na makatrabaho ang mga bagong artista, gaya rito sa Who's Your Daddy Now? kung saan introducing ang anak ng dating aktres na si Nadia Montenegro kay former Caloocan City Mayor Boy Asistio na si Alynna. "Si Nadia kasi, matagal ko nang kaibigan ‘yan. Ilang beses ko ring nakatrabaho si Nadia and now, ang anak naman niya ang makakatrabaho ko," sabi ni Joey. "Nagugulat nga ako sa mga batang ito kasi dati-rati ay kinakarga lang namin ang mga ‘yan. Ngayon, mga dalagita na. Si Alynna naman ay malapit sa akin kasi kaibigan niya ang anak kong si Wyn-Wyn at pati na ang anak ni Janice [de Belen] na si Ynah [Estrada]. Nagkaroon pa sila ng show before na Candies, di ba? Kaya it's nice to work with young and fresh actors. Nagiging bata rin kasi tayo," sabay tawa niya. Sa Who's Your Daddy Now? ay muli ring makakatrabaho ni Joey ang minsang na-link sa kanya noong si Jean Garcia. Hindi ba sila nagkailangan dahil naudlot nga ang kanilang dapat na relasyon? "Sinasabi ko na nga noon na si Jean ang babaeng muntik nang maging ideal wife ko," nakangiting pag-amin ni Joey. "Totoo ‘yan kasi yung short time na nakilala ko si Jean, parang ang tagal ko na siyang nakasama. She's a wonderful woman and a great mother to her child. 'Yan ang hanap ko sa isang magiging misis ko in the future. "Pero noong magkasama kami sa sitcom na ito, okay lang kasi magkaibigan pa rin naman kami. We still communicate with each other kahit na hindi kami nagkatuluyan." Sa tingin ba ni Joey na may pag-asa na matuloy ang naudlot na relasyon nila? "Bakit naman hindi, di ba?" sabay tawa niya. "I'm still single and I guess, single pa rin si Jean. Pero siyempre, maninimbang pa kami sa isa't isa ulit. Kung kami ang talagang magkakatuluyan, mangyayari 'yon. Kaya wait na lang tayo sa puwedeng mangyari." - Philippine Entertainment Portal