Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jennylyn Mercado shares secret to showbiz success


Higit sa sampung taon nang namamayagpag sa showbiz ang Kapuso actress at “My Faithful Husband” star na si Jennylyn Mercado, at hanggang ngayon ay kabi-kabila pa rin ang kaniyang projects—mula sa mga teleserye, pelikula, endorsements, magazine covers at marami pang iba.
 
Sa December issue ng Cosmopolitan Philippines, ibinahagi ni Jennylyn ang kaniyang sikreto sa matagumpay na career bilang isang artista.
 
Aniya, “'Yun na siguro ang pinaka-secret ko sa showbiz—wala akong pressure, from the business or from myself. 'Di ba, you get pressured when you're competitive? Ako kasi, hindi ako nakikipag-compete. Kung wala, wala.”
 
“Kung hindi ko kayang tapatan ang pagsasayaw mo, okay lang. Tatanggapin ko 'yun. Gusto ko lang, nagta-trabaho ako, nakikita kong 'Ay, kikita ako dito. Makakapagpasaya ako ng tao dito,'” dagdag pa niya.
 
 
 
Bukod sa maraming showbiz commitments, abala rin ngayon si Jennylyn sa kaniyang mga negosyo, kabilang na ang pagiging co-owner ng isang cafe sa Quezon City at ang pamamahala ng isang salon/spa
 
Aktibo rin si Jennylyn sa iba't ibang physical activities, gaya na lamang ng workout, martial arts, at triathlon.
 
Sa dami ng kaniyang pinagkakaabalahan, marami ang nagtatanong kung mayroon pa bang hindi kayang gawin ang Kapuso star.
 
Sagot niya, “Dancing. 'Yun lang talaga ang hindi ko magawa. Lahat na sinubukan ko: jazz, contemporary, hiphop. Wala akong natutuhan. Wala nang pag-asa.”
 
Bukod sa kaniyang anak na si Alex Jazz at sa kaniyang pamilya, isa umano sa mga inspirasyon ni Jennylyn sa pag-abot sa tagumpay na tinatamasa niya ngayon ang payo ng kaniyang sariling ina na, “Be humble and real. Put your best foot forward. Always pray for guidance.” —Bianca Rose Dabu/AT, GMA News