Filtered By: Showbiz
Showbiz

Barbie Forteza is ready for college!


Magbabalik-eskwela ang award-winning Kapuso actress at “Sunday Pinasaya” star na si Barbie Forteza ngayong ikalawang semestre ng academic year 2016-2017.

Kukuha ang aktres na Bachelor of Arts in Psychology sa University of Perpetual Help System sa Biñan, Laguna.

Aniya sa isang Instagram post nitong nakaraang linggo, “I am officially ready for college. Finally.”

“Maiyak ka @amithatbad. #BalikEskwela,” pabirong mensahe niya pa sa nakatatandang kapatid na naka-base na ngayong sa ibang bansa.

 

Labindalawang taong gulang pa lamang si Barbie nang una siyang mapanood sa telebisyon bilang bahagi ng teleseryeng “Stairway to Heaven.”

Matapos ang humigit-kumulang pitong taon niya sa showbiz, nakilala na ang Kapuso star bilang isa sa pinakatalentadong aktres sa industriya.

Kamakailan lamang, nanalo siya bilang Best Actress sa 36th Fantasporto International Film Festival para sa kaniyang pagganap sa independent film na “Laut.”

Pinarangalan rin siya bilang Best Supporting Actress sa Cinemalaya Awards at 38th Gawad Urian Awards para sa kaniyang pagganap sa isa pang indie film na “Mariquina.”

Ngayong taon, nakasama na rin ng aktres sa pelikulang "Tuos" ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.

 

Muito obrigado, #36thOportoInternationalFilmFestival ???????????????????????? #LautbyLouieIgnacio ????????

A photo posted by Barbie Forteza (@barbaraforteza) on

 

Maliban sa kaniyang pag-aaral, abala rin ngayon si Barbie sa paghahanda para sa kaniyang pagbabalik-Primetime bilang bida ng pinakabagong romantic-comedy series ng GMA.

Dito niya bibigyang-buhay ang karakter na si Billie, na magkakaroon rin ng apat na leading men.

“Nakakatuwa kasi GMA is taking a lot of risks para sa project na ito. Halos lahat bago—ang treatment na apat ang guys, rom-com pero nasa last slot ng Primetime. Medyo risky talaga siya. Still, pinagkatiwala sa aming lahat 'yung ganitong klaseng project. Kaya naman I'm so thankful,” ayon sa Kapuso actress. — Bianca Rose Dabu / AT, GMA News