GMA News Online
Showbiz

Marky Cielo's death remains a mystery

December 9, 2008 11:46pm
MANILA, Philippines – Nanatiling misteryo ang tunay na dahilan ng maagang pagkamatay ng 20-anyos na aktor na si Marky Cielo dahil sa kawalan ng impormasyon na ibinibigay ng kanyang pamilya sa pulisya.

Sa programang 24 Oras ng GMA nitong Martes, sinabi ni Police Superintendent Raul Batgamento, hepe ng Antipolo police, na nahihirapan silang kumuha ng impormasyon tungkol sa pagpanaw ni Marky.

“Ang family ayaw talagang magsalita, so there’s no one to talk…and ito hinihintay natin ang SOCO report so we will know the cause of death,” patungkol ni Batgamento sa Scene of the Crime Operatives ng Philippine National Police (PNP).

Matatandaan na noong Linggo ng umaga ay nakita umano si Marky na nakahandusay sa sahig sa kanyang kwarto sa bahay nito sa Antipolo City. Isinugod pa raw sa ospital si Marky pero idineklara itong death of arrival.

May mga espekulasyon na nagpakamatay at hindi binangungot si Marky pero hindi pa ito makumpirma.

Si Jan Manual na kaibigan ni Marky ay nagtaka raw sa huling text message na natanggap sa pumanaw na aktor noong Sabado.

“Nagtext lang sya na parang maraming salamat sa lahat, mag-ingat ka parati. Yun lang hindi ko alam na yun ang huling message na pala nya sa akin. Ako naman nagtataka ba’t nagpasalamat ‘to,” kwento ni Jan na “sparring partner” ni Marky sa Struck Attack segment sa GMA’s showbiz talkshows na “StarTalk.”

Kwento pa ni Jan, kumain pa sila ni Marky noong Sabado matapos silang magtaping.

“After ng taping namin naisip namin na tara kain tayo sa labas. Kumain kami isang cake nagsubuan pa nga kami…portion nung pinaghatian namin…hindi ko alam na yun na pala yung pinakahuling araw na makakasama ko sya,” malungkot na pahayag ni Jan kay GMA reporter Nelson Canlas.

Maging ang iba pang kasamahan ni Marky sa industriya at hindi pa rin makapaniwala sa pagpanaw ng aktor.

“Mabigat, malungkot at masama ang loob ko,” ayon kay Mark Herras.

“Yung si Marky, malaking kawalan sa amin,” sambit naman ni Gian Carlos

Sa Miyerkules ng madaling araw ay dadalhin ang mga labi ni Marky sa kanyang lalawigan sa Mt Province kung saan doon na rin siya ililibing.

Nitong Martes ng gabi ay nagsama-sama ang mga kaibigan at kasamahan sa showbiz ni Marky para sa huling gabi nya sa Antipolo. - Fidel Jimenez, GMANews.TV
Go to comments