Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

PEP: Marky Cielo's burial is set on December 15

December 11, 2008 9:02pm
Apat na araw pagkatapos sumakabilang-buhay ang young actor na si Marky Cielo ay nadala na rin ngayong araw, December 11, ang kanyang bangkay sa Sinto, Bauko, Mountain Province. Dito sa lugar na ito lumaki si Marky, na ipinagmamalaki ang kanyang pagiging Igorot.

Bago nakarating ang mga labi ni Marky sa Mountain Province ay pansamantala muna itong inilagak sa Cathedral of Resurrection sa Baguio City kahapon, December 10, upang masilayan siya sa huling pagkakataon ng mga kamag-anak at mga kaibigan niya roon.

Bago kasi sumali si Marky sa Batch 3 ng StarStruck, kung saan siya ang itinanghal na Ultimate Sole Survivor, ay nag-aral muna siya sa St. Louis University.

Pasado also-dose ng hatinggabi kanina nang lisanin ng funeral convoy ni Marky ang Baguio City papuntang Mountain Province.

Ayon sa report ni Nelson Canlas para sa 24 Oras, naging mainit ang pagtanggap ng mga kababayan ni Marky sa kanya sa kabila ng malamig na panahon. Pero labis na dalamhati ang naramdaman ng mga kamag-anak at malalapit na kaibigan ni Marky pagkakita sa bangkay ng itinuturing na "pinakaboritong anak" ng Sinto, Bauko.

Personal ding nagtungo sa Mountain Province ang action superstar na si Robin Padilla upang makiramay sa pamilya ni Marky.

Nagkasama sina Robin at Marky sa action-adventure series noon ng GMA-7 na Asian Treasures at sa pelikulang Till I Met You ng GMA Films.

Dumagsa rin ang iba pang mga kamag-anak, mga kaibigan, at mga kapitbahay ni Marky sa kanilang tahanan upang makita nila sa huling sandali ang kanilang pinakasikat na kababayan. Kaninang hapon naman ay isang misa ang isinagawa para kay Marky.

Nakatakdang ilibing ang mga labi ni Marky sa Lunes, December 15, bandang alas-dos ng hapon. At bilang bahagi ng tradisyon ng mga Igorot at sa kagustuhan na rin ng kanyang pamilya, ililibing si Marky sa bakuran ng kanilang tahanan.

Sumakabilang-buhay si Marky—na ang tunay na pangalan ay Mark Angelo Cadaweng Cielo—noong Linggo, December 7, sa murang edad na 20.

Napapanood pa rin hanggang ngayon si Marky sa GMA-7 primetime series na La Lola dahil nakapag-advanced taping pa siya bago siya namatay. Maririnig din ang kanyang tinig sa anime na Bleach, kung saan siya ang nagbigay-boses sa karakter na Ichigo Kurosaki. - Philippine Entertainment Portal
Go to comments