GMA News Online
Showbiz

Iza Calzado, Sunshine Dizon rivalry heats up in 'All About Eve'

March 20, 2009 11:47pm
Totohanan daw ang nangyaring sabunutan at sampalan nina Iza Calzado at Sunshine Dizon sa isang eksena sa “All About Eve." Pagpapatunay kaya ito na may lihim na hidwaan ang dalawang mahusay na aktres?

Mahigpit na magkaribal ang karakter na ginagampanan nina Iza at Sunshine sa “All About Eve" na sina “Nicole" at “Erika." Pero paglilinaw ng dalawa, wala silang hidwaan sa totoong buhay at hinihingi lang ng eksena na maging makatotohanan ang kanilang away.

“Kailangan daw totoo so...ang tagal nga naming ano e…nanginginig kami. Siyempre ayaw naman naming saktan ang isa’t isa," kwento ni Iza sa Chika Minute portion ng 24 Oras nitong Biyernes.

“Ito po’y ano lang para sa ikagaganda ng show. Siguro talagang na-tense lang ako kasi matagal-tagal ko nga pong hindi nagagawa yung ganun," ani Sunshine.

Magkaibigan daw ang dalawa kaya walang dahilan para sila mag-away.

Biro pa ni Sunshine, may paraan para malaman kung may itinatagong away ang magka-eksenang artista.

“Mase-sense mo ‘pag magkaaway ang mga artista. ‘Pag kunwari after the scene nag-walk out na pareho, ‘di ba naglakad lang," ayon kay Sunshine.

Pero kapag hindi naman daw magkaaway, sinabi ni Sunshine na "siyempre magyayakapan kayo (pagkatapos ng eksena) tapos itse-check mo kung ano ba bingi na ba o natanggalan ba ng ngipin."

“What happened on the set should stay on the set. Saka matagal na kaming nagtatrabaho ni Sunshine na magkasama, magkaibigan kami," habol naman ni Iza.

Kwento pa ng dalawa, umpisa pa ang makatotohanan sampalan at sabunutan nila sa “All About Eve." Dapat umanong abangan ng mga manonood ang iba pang mangyayari sa magkaribal na karakter nina Nicole at Erika pati na ang kanilang mga leading men na sina Mark Anthony Fernandez at Alfred Vargas. - Fidel Jimenez, GMANews.TV