ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pacquiao 'di aatrasan ng politikong babanggain sa Saranggani


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Kung madaling naididispatsa ni Pinoy boxing icon Manny Pacquiao ang kanyang mga nakakalaban sa ibabaw ng ring, hindi sa larangan ng pulitika. Ito ang idineklara ni Saranggani Rep. Erwin Chiongbian kaugnay sa plano ni Pacquiao na tumakbong kongresista sa distrito na kanyang hinahawakan. Nasa ikatlo at huling termino na si Chiongbian pero isa umano sa miyembro ng kanyang pamilya ang makakaharap ni Pacquiao sa May 2010 elections. “We won't give up our province without a fight," ayon kay Chiongbian na kilalang political kingpin sa Saranggani. Kasalukuyang bise gobernador sa lalawigan ang kamag-anak ng kongresista na si Vice Gov. Stave Chiongbian Solon. “That’s our intention because we cannot abandon the province," idinagdag ng mambabatas na kasamang dumalo sa pagsasanib ng Lakas-CMD at Kampi nitong Huwebes. Bagaman aminado siyang sikat si Pacquiao, sinabi ng kongresista na ang mamamayan pa rin ng lalawigan ang magdedesisyon kung sino ang nais nilang maging kinatawan sa Kongreso sa 2010. “This is politics, different from boxing. If it’s boxing, I give up," pahayag ng 65-anyos na si Chiongbian. Tumakbong kongresista pero natalo si Pacquiao noong 2007 sa kalapit na lalawigan ng South Cotabato kontra kay incumbent Rep. Darlene Antonino-Custodio. Dahil sa naging karanasan noong 2007 elections, lumipat ng rehistro ng pagboto si Pacquiao sa Saranggani, na lalawigan ng kanyang asawa na si Jinkee. - GMANews.TV