ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Alerto ng PNP sa NCR itinaas dahil sa SONA ni Arroyo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Inihayag ng Commission on Human Rights (CHR) nitong Biyernes na magpapakalat ang ahensiya ng mga tauhan sa mga lugar na pagdarausan ng mga kilos protesta sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Arroyo sa Lunes. Sinabi ni Carmencita Rosete, pinuno ng CHR-National Capital Region, na apat na grupo na kabibilangan ng tig-anim na tauhan ng CHR – kabilang ang abogado at medical staff – ang tutulong upang mamagitan sa posibleng banggaan ng mga pulis at demonstrador sa Lunes. "When the need arises, papagitna kami sa pulis at raliyista (we’ll mediate) to help parties get to a win-win solution," paliwanag ni Rosete sa panayam. Sinabi naman ni Chief Superintendent Roberto Rosales, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na 10,000 anti-riot police ang ipakakalat sa Metro Manila para tiyakin ang kaayusan sa araw ng SONA. Nakipagpulong na rin umano ang PNP sa lider ng mga grupong magsasagawa ng kilos protesta sa Lunes upang tiyakin na magiging mapayapa ang mga gagawing demonstrasyon. “We are all set for SONA. We have met with rally organizers in order to tell them of the do’s and don’ts during the rally," pagtiyak ni Rosales. Kabilang sa mahigpit na babantayan ng pulisya ang paligid ng Batasang Pambansa sa Quezon City kung saan gaganapin ang SONA at magiging sentro ng mga kilos protesta. Kasabay nito, sinabi ni Rosete na binawi ng NCRPO ang nauna nitong plano na gumamit ng tubig na may kulay o dyed water na gagamitin kung bubuwagin ang hanay ng mga demonstrador. “Umattend ako sa dialogue kanina at napagkasunduan na hindi na rin gagawin iyong pagbomba ng tubig na may blue na tina," ayon kay Rosete. Inilagay na rin ng NCRPO sa heightened alert ang Metro Manila simula nitong Biyernes hanggang matapos ang SONA ni Arroyo sa Lunes. Sa kabila nito, sinabi ni Rosales na walang seryosong banta sa magiging huling SONA ni Gng Arroyo sa Lunes. Kasabay nito, magpapadala naman ang Armed Forces of the Philippines ng isang batalyon ng Civil Disturbance Management Unit military personnel para tumulong sa pangangalaga ng kaayusan sa mga rally kasama ang anti-riot police. - GMANews.TV
Tags: sona, protests