ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Committee report sa NBN-ZTE ipinalalantad na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Hiniling ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. nitong Miyerkules kay Senador Richard Gordon na ipalabas na ang committee report ng Blue Ribbon committee sa isinagawang imbestigasyon sa kinanselang $329 milyong national broadband network project. Sinabi ni Pimentel na matagal na dapat ipinalabas ni Gordon ang naturang report upang maipaalam sa mamamayan ang rekomendasyon ng komite. Iginiit nito na may karapatan ang mamamayan na malaman ang kinalabasan ng mahabang imbestigasyon na ginawa ng tatlong komite kabilang ang Senate committee on trade and commerce at national defense and security. “Through the report, the people will know what was wrong with this transaction and who should be held liable for any wrongdoing. The release of the report will put to rest any speculation which may put the Senate in a bad light," ayon sa lider ng minorya. Sa mga ginanap na pagdinig, sinabing plano ng Palasyo na ipatupad noong una ang NBN project sa pamamagitan ng build-operate-transfer scheme kung saan ang pribadong sektor ang gagastusin sa proyekto. Ngunit nagbago umano ang plano ng Palasyo at sa halip ay mangungutang na na lamang ang pamahalaan sa Export-Import Bank of China upang pondohan ang proyekto. Iginawad ng pamahalaan ang proyekto sa ZTE Corporation ng China . Ibinulgar din ng ilang testigo sa Senado na nagkaroon umano ng overpricing sa proyekto at hindi rin maganda para sa gobyerno ang ilang termino at kondisyon sa kontrata. Sinasabing nagkaroon din ng suhulan sa proyekto na humantong sa pagbibitiw sa puwesto ni dating Commission on Election chairman Benjamin Abalos. Mariing pinabulaanan naman ni Abalos ang alegasyon ng suhulan laban sa kanya. Bukod kay Abalos, ilan pa sa mga tumestigo sa Senado ay sina dating National Economic and Development Authority director general Romulo Neri, dating Philippine Forest Corp. president Rodolfo Lozada, engineer Dante Madriaga, at anak ni dating Speaker Jose De Venecia na si Joey De Venecia. Una rito, tiniyak ni Gordon na ipalalabas ang committee report sa isinagawang imbestigasyon kapag nagbukas na ang sesyon ng Kongreso sa Hulyo 27. - GMANews.TV